SUNOD-sunod ang mga naiuulat na aksidente sa kalsada, mula sa simpleng banggaan hanggang sa matitinding insidente ng road rage.
Sa gitna nito, inilantad ng pamunuan ng Philippine Orthopedic Center ang totoong bilang ng mga nadadala sa kanilang ospital dahil sa ganitong mga insidente.
Ayon kay Philippine Orthopedic Center Medical Center Chief Dr. Jose Pujalte Jr., aabot sa 134,000 pasyente ang kanilang natanggap sa taong 2024, batay mismo sa kanilang tala.
Araw-araw, nasa 100 pasyente ang dinadala sa emergency room ng ospital, at karamihan sa mga ito ay biktima ng mga aksidente sa lansangan tulad ng mga pasaherong nadisgrasya, mga pedestrian, at mismong mga driver.
“At kung iisipin natin sa mga traffic crashers, traffic or road accidents, ang mga tinatamaan naman ay pasahero, iyong tumatawid o mga pedestrian at ang driver, kaya tatlong grupo iyan ng mga pasyente ang maaaring ma-involve sa mga aksidente,” wika ni Dr. Jose Pujalte, Jr., Medical Center Chief, Philippine Orthopedic Center.
Bukod sa mga bali, nakikita rin sa mga pasyente ang pagkakaroon ng concussion, at maselang tama sa internal organs gaya ng atay, bato, at apdo.
Babala ni Dr. Pujalte, ang mga matitinding pinsala ay kadalasang dulot ng overspeeding.
“At siyempre kung tatamaan dito ang tumatawid, kung minsan dadating sa ospital nga namin ay naghihingalo na, kaya malaking bagay rin ang tinatawag naming puwang o iyong gap between the transfer of the patient from the injury site to the hospital or to the emergency room. Kailangan natin talaga ng mga trained emergency medicine technicians,” giit ni Dr. Pujalte.
Sa tala pa ng ospital, madalas na mas malala ang tinatamo ng mga motorcycle driver lalo na kung walang suot na helmet.
Para naman sa mga nakasakay sa sasakyan, karaniwang nababalian ng binti ang pasyente. Ngunit mas nakababahala ang mga kaso ng open fracture kung saan lumalabas na ang buto mula sa balat.
Kapag hindi naagapan, maaari itong pagmulan ng impeksiyon at tuluyang mauwi sa pagkaputol ng bahagi ng katawan ng pasyente.
Sa kabila ng dami ng pasyente na kanilang natatanggap, tiniyak ng Philippine Orthopedic Center na hindi sila namimili o tumatanggi sa pasyente. Bukas ang kanilang emergency room sa lahat ng nangangailangan ng agarang lunas mula sa mga aksidente.
Sakaling may emergency o aksidente, maaaring tumawag sa 8711-4276 o makipag-ugnayan sa kanilang Facebook page.