NAILIGTAS ang 14 kababaihan mula sa prostitusyon kabilang na dito ang 11 menor de edad at dalawang children in conflict with the law o CICL sa isinagawang entrapment operation.
Ang nasabing operation ay pinangunahan ni PCol Albert Barrot, Acting Chief Station ng Malabon City Police Station at Intelligence Section.
Katuwang din ang ilang personnel ng Women’s and Children Protection Desk at City Social Welfare Division Malabon.
Ayon kay Barrot, nanggaling sa isang NGO ang impormasyon sa nasabing pambubugaw.
Matapos matanggap ang impormasyon ay kaagad kumilos ang mga kapulisan.
“Actually yung ating information is based doon sa nag-report sa atin yung isang NGO na Destiny Rescue Philippines and base doon nagbuo tayo ng team kaagad para ma-rescue yung mga minors base doon sa information na binigay sa atin. And also nag gathered ng mga additional info ang ating intelligence unit dito sa Malabon City Police Station,” pahayag ni Barrot.
Ani Barrot na inaalam pa nila kung may malaking sindikato ang nasa likod ng nasabing prostitusyon ng mga menor de edad.
Nagpaalala naman si Col. Barrot sa mga kabataan at mga magulang upang maiwasan ang ganitong mga aktibidad.
“Dun sa mga kabataan dapat titingnan nila yung kanilang sinasamahan yung kanilang peers, mga barkada, para hindi sila mahikayat sa ganun na activity at tsaka yung mga parents dapat titingnan nila yung mga activity ng kanilang mga anak and they must check from time to time their children para ma i-guide ito at hindi ma involved sa ganitong activities,” payo ni Barrot.
Nakahanda naman ang mga kapulisan na patuloy na bantayan ang mga ganitong klaseng aktibidad at nangakong poprotektahan ang mga kabataan.
“Ang Malabon City Police Station ay nandirito at handang umaksyon dun sa mga report ng activity na kagaya nito at ito ay base rin sa direktiba ng ating chief Philippine National Police na si Police General Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar at mayroon ngang programa ang ating chief PNP na E-Sumbong, i-browse nila dun sa internet at makikita nila yung mga number doon and pwede nilang i-send ang mga informations regarding sa mga activities na kagaya nito para maprotektahan ang ating mga kabataan,”ani Barrot.
(BASAHIN: 13 babae na biktima sa human trafficking, nailigtas sa Basilan)