15% na taripa sa bigas, pinalagan ng mga senador

15% na taripa sa bigas, pinalagan ng mga senador

INALMAHAN ni Sen. Imee Marcos ang plano ng National Economic Development Authority (NEDA) na ibaba ang taripa ng imported na bigas, karneng baboy, at iba pang produkto.

Sa rekomendasyon ng NEDA, ibababa sa 15% ang taripa sa bigas mula 35% simula ngayong taon hanggang 2028.

Sinabi ni Marcos na ayaw niya sanang nagiging kontrabida pero hindi aniya masisikmura ang naturang aksiyon.

“15% na lang ang taripa ng imported na bigas, baboy at iba pa hanggang 2028???! E ‘di lalamunin ng mga imported ang palengke!” pahayag ni Sen. Imee Marcos, Vice Chair, Senate Committee in Agriculture.

Paano na ang mga lokal na magsasaka?”

Sa nasabing hakbang aniya ng NEDA ay lulunurin ng mga imported product ang mga palengke kaya’t nakababahala ang magiging kalagayan ng mga magsasaka.

Si Sen. Cynthia Villar ay nababahala rin sa nasabing direksiyon.

Posible aniya kasi aniyang kapusin ang pondo na susuporta sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) maliban na lang kung may subsidiya dito ang pamahalaan.

“We will not have enough funds to support the Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) owning 2 hectares of land and below coming from tariff on imported rice as provided by law unless the national government is willing to provide subsidy for these,” wika ni Sen. Cynthia Villar, Chair, Senate Committee on Agriculture.

Sa RCEF kasi napupunta ang nalilikom na pondo mula sa taripa ng bigas.

15% na taripa sa bigas, makatutulong sa pagpapababa sa inflation—SP Escudero

Pero sa kabila ng pananaw ng dalawang senadora ay tiwala naman si Senate President Francis Escudero na may positibong epekto sa ekonomiya ang hakbang ng administrasyong Marcos na ibaba ang taripa sa bigas at iba pang produkto.

Tiwala si Escudero na sa sandaling maibaba ang taripa ay bababa rin ang presyo na may epekto sa inflation at sa ekonomiya sa kabuuan.

“’Pag bumaba ang inflation natin dahil mapababa natin ang presyo ng bigas posibleng bumaba sa less than 2 percent ang ating inflation. At dahil jan ‘yung ating mga economic indicators kabilang na ang interest rates sa pag-utang, kabilang na rin ang pag-utang ng mga negosyante dito sa bansa ay bababa na sana ay makatulong pa sa paglago ng ating ekonomiya,” saad ni Sen. Francis Escudero, Senate President.

Kasabay rito, tiwala naman si Escudero na may sapat na kakayanan ang Department of Agriculture na tiyaking kikita pa rin ang mga local producer kahit pa dumagsa ang imported products sa bansa.

Ipinaalala ni Escudero na kaya nagkakaroon ng pagtaas ng presyo ay dahil sa kakulangan ng lokal na suplay kaya’t isa rin sa dapat na opsiyon ay ang direktang pag-aangkat ng gobyerno ng mga produkto.

“’Pag pumasok ang dayuhang suplay di naman tayo pwede na dependent na lamang dun. Dapat manatiling malakas pa din ang ating domestic production ng anumang uri ng pagkain. Sabay na dapat na ginagawa ‘yan – mura at abot-kayang pagkain para sa ating mga kababayan habang tinitiyak natin na may suporta tayo sa local producers para makapag suplay ng sapat na pagkain sa atin sa di malayong hinaharap,” dagdag ni Escudero.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter