16 sa 117 na idineklarang nuisance bets, umapela sa COMELEC

16 sa 117 na idineklarang nuisance bets, umapela sa COMELEC

NAGSIMULA nang umapela sa COMELEC Enbanc ang ilang senatorial aspirant na idineklara ng dibisyon ng komisyon bilang nuisance candidate o pampagulo lang sa halalan.

117 ang nasa listahan ng mga nuisance candidate mula sa 183 na naghain ng kanilang Certificates of Candidacy.

16 dito ay naghain na ng apela para mabaliktad ang nuisance tag ng dibisyon.

Isa sa mga naghain ng motion for reconsideration ay si Norman Mangusin na gumagamit ng pangalang Francis Leo Antonio Marcos.

Si Mangusin, pinayagang makatakbo noong nakaraang eleksiyon dahil sa popularidad nito at kakayahang masuportahan ang kaniyang kampanya.

Pero ngayon, itinuturing siyang pampagulo lang ng COMELEC 1st Division.

“Ang desisyon naman ay maaring magbago at hindi naman talaga laging nakatali. Kahit nga ang ating Kataas-Taasang Hukuman pwede mag-enhance ng kaniyang desisyon. May nakita kasi ang debisyon na sa kanilang palagay ay maaring pagkakamali ng dating dibisyon na nagdesisyon nito,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.

Ilan pa sa mga naghain ng apela ay ang sumunod:

1.SPA No. 24-001 (DC) (MP)     Francis Leo Antonio Marcos

2.SPA No. 24-006 (DC) (MP)     Felipe Fernandez Montealto Jr.

3.SPA No. 24-021 (DC) (MP)     Orlando Caranto De Guzman

4.SPA No. 24-023 (DC) (MP)     Manuel Lim Andrada

5.SPA No. 24-048 (DC) (MP)     Elpidio Rosero Rosales Jr.

6.SPA No. 24-055 (DC) (MP)     Jaime Gaspacho Balmas

7.SPA No. 24-061 (DC) (MP)     Pedro Gonzales Ordiales

8.SPA No. 24-062 (DC) (MP)     John Rafael Campang Escobar

9.SPA No. 24-069 (DC) (MP)     Roberto Sontosidad Sembrano

10.SPA No. 24-078 (DC) (MP)   Romulo Tindoc San Ramon

11.SPA No. 24-079 (DC) (MP)   Fernando Fabian Diaz

12.SPA No. 24-090 (DC) (MP)   Luther Gascon Meniano

13.SPA No. 24-094 (DC) (MP)   Romeo Castro Macaraeg

14.SPA No. 24-097 (DC) (MP)   Subair Guinthum Mustapha

15.SPA No. 24-110 (DC) (MP)   Berteni Cataluña Causing

16.SPA No. 24-115 (DC) (MP)   Alexander Cura Encarnacion.

“Asahan po ninyo na lahat ng naghain ng motion for reconsideration at ire-resolve ng COMELEC hanggang next week,” dagdag ni Garcia.

Matatandaan naman na mula sa 183, 66 ang pasok sa listahan ng mga lehitimong kandidato kung saan isa rito si Pastor Apollo C. Quiboloy.

Barangay Chairman sa Cagayan de Oro, iimbestigahan ng COMELEC dahil sa umano’y iregular na paglobo ng mga botante sa lungsod

Samantala, uumpisahan na ng COMELEC ang pag-iimbestiga sa kapitan ng Brgy. Carmen, Cagayan de Oro matapos itong maugnay sa umano’y maanomalyang paglobo ng mga botante sa kaniyang lugar.

Batay na rin ito sa rekomendasyon ng Election and Barangay Affairs Department at Special Task Force para sa halalan 2025.

Sa reklamong nakarating sa COMELEC, lumobo ng halos 15,000 ang voter population sa Bgy. Carmen.

Ang barangay captain sa reklamo ay napag-alamang tatakbo rin bilang kongresista ng Cagayan de Oro at ito umano ang nangasiwa sa pagbibigay ng barangay certifications para makapagparehistro ang halos 9,000 indibidwal na hindi naman residente ng naturang lugar.

Makikipag-ugnayan din sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang COMELEC para sa posibleng pagsasampa ng mga reklamong administratibo laban sa barangay captain.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble