DUMATING na sa bansa ang binili ng pamahalaan na panibagong batch ng Russian COVID-19 vaccines na Sputnik V.
Bago mag alas tres ng hapon, lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang 2,700,000 dosis ng Russian-made vaccines na Sputnik V.
Sinalubong nina Office of the Presidential Adviser on the Peace Process Assistant Secretary Wilben Mayor, National Task Force against COVID-19 special adviser Dr. Teodoro Herbosa, Foreign Affairs Assistant Secretary Jaime Ledda, Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov at iba pang Philippine government officials.
“Kami ay nagagalak sa pagdating ng delivery ng Sputnik V. Huwag nating kalimutan itong taon na ito, ito yung 45th anniversary ng diplomatic relation between Philippines and Russia,” ani Mayor.
“And remember noong April nag-usap si president Duterte at si president Putin ukol sa mga detalye sa pagdeliver ng vaccines,” dagdag nito.
Planong ipamahagi ang mga dumating na bakuna sa lahat ng rehiyon sa bansa pero saad ni Mayor pag-uusapan pa ng National Vaccination Operation Center (NVOC) kung saan ito partikular na ipapamahagi.
4.39 million doses na ng Sputnik V vaccines ang dumating sa bansa simula Pebrero nitong taon.
Hinikayat ng mga opisyal ang mga lokal na pamahalaan na gawing mabilis ang deplyoment ng mga bakuna.
Ayon kay Herbosa, pina-plano nila ni Sec. Galvez na magsagwa ng tinatawag na national immunization day for COVID-19 para magamit ang napakaraming dumating na bakuna.
“Higit 108 million doses na ang nakarating dito. Ang stock file natin lampas 15 million na kaya dapat na nating ibakuna,” saad ni Herbosa.
Samantala, tiniyak din ni Asec. Mayor na papalitan ng pamahalaan ang halos 150,000 doses ng COVID-19 vaccines na nasunog sa Pagadian, Zamboanga del Sur.
Nagsasagawa na aniya ng agarang imbestigasyon sa insidente.
Matatandaan nitong October 31 ng gabi nang masunog ang provincial health office ng Zamboanga del Sur kung saan kasamang natupok ang nasa 148,678 doses ng bakuna.
88,938 sa mga bakunang ito ay Pfizer, 36,164 ang Sinovac, 14,400 Moderna at 9,176 ang Astrazeneca.
Ang naturang gusali ang nagsisilbing cold chain storage facility para sa covid-19 vaccines ng 26 na munisipalidad at isang syudad ng Zamboanga del Sur.