IPINASARA ang isang healthcare center at isang health complex sa Abu Dhabi matapos matukoy ang ilang paglabag na ginawa ng mga pasilidad.
Ilan sa paglabag ng mga ito ay: hindi pagsunod sa mga safety procedures at paraan ng pag-iwas sa impeksiyon; paggamit ng mga nag-expire na gamit at kasangkapan; at hindi pagsunod sa mga pamantayan at regulasyon para sa medical waste disposal at pag-iimbak ng dugo.
Maliban dito, nalabag din ng dalawang healthcare facilities: ang kakulangan ng lisensiyadong doktor sa mga specialties na nakalagay sa kanilang lisensiya na ibinigay ng Department of Health (DOH); at hindi pagtalima sa engineering at technical layout ng mga pasilidad na inaprubahan ng DOH.
Kasunod nito, nananawagan ang DOH ng Abu Dhabi sa lahat ng healthcare facility sa kanilang bansa na sumunod sa lahat ng umiiral na rules and regulations upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.