2 insidente ng supply mission ng Pilipinas, nakaranas ng harassment mula sa China Coast Guard

2 insidente ng supply mission ng Pilipinas, nakaranas ng harassment mula sa China Coast Guard

MATAGUMPAY na nakapaghatid ng panibagong suplay ang mga tropa ng pamahalaan sa mga sundalong nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ito ang kinumpirma ng National Task Force on the West Philippine Sea nitong Linggo ng umaga, Disyembre 10, 2023.

Pero gaya ng mga naunang rotation and resupply mission, muling nakaranas ng hindi magandang trato ang mga barko ng bansa nang harangin at gumawa ang China Coast Guard (CCG) ng delikadong pagmaniubra nito sa harapan ng supply mission ng Pilipinas.

“Today, 10 December 2023, China Coast Guard (CCG) and Chinese Maritime Militia (CMM) vessels harassed, blocked, and executed dangerous maneuvers on Philippine civilian supply vessels, in another attempt to illegally impede or obstruct a routine resupply and rotation mission (RoRe) to BRP Sierra Madre (LS 57) at Ayungin Shoal,” ayon sa NTF-West Philippine Sea.

Bukod dito, panibagong pambobomba ng tubig ang naranasan ng mga tropa ng pamahalaan mula sa CCG vessel 5204 partikular na sa N/L Kalayaan na nagdulot ng pagkasira ng makina nito.

Agad din itong hinila gamit ang Philippine Coast Guard (PCG) vessel BRP Sindangan (MRRV-4407) pabalik sa Ulugan Bay, Palawan.

Habang ang BRP Cabra (MRRV-4409) ay nagtamo rin ng sira sa layag nito matapos na direktang tamaan ng boga ng tubig mula sa CCG vessel.

Samantala, sa isa pang insidente, tatlong barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang binomba ng tubig ng CCG habang nasa gitna ng supply mission patungo sa Scarborough Shoal nito ring Linggo.

Batay sa impormasyon ng ahensiya, tumagal ang pambobomba ng tubig sa mga barko ng Pilipinas ng tatlong oras mula 9am-12 ng tanghali.

Plano pa sanang umikot ng grupo sa iba pang mga isla para mamigay ng mga regalo at petrolyo sa mga mangingisdang Pinoy na lumalaot sa lugar.

Ayon sa BFAR, ito ang unang pagkakataon na binomba sila ng tubig ng Chinese vessel kung saan dati naman anila ay sinusundan lamang umano sila ng mga ito sa tuwing sila ay may misyon.

Nauna nang iginiit ng Chinese vessel na teritoryo umano nila ang Scarborough Shoal bagay hindi ito binigyang-pansin ng BFAR na itinuturing na “exclusive economic zone” ng Pilipinas.

“Water cannon action have resulted in significant damage to BFAR vessel Datu Tamblot’s communication and navigation equipment, as it was directly and deliberately targeted by the China Coast Guard. We demand that the Chinese government take immediate action to halt these aggressive activities and uphold the principles of international law and desist from actions that would infringe on Philippine Sovereignty and endanger the lives and livelihood of Filipino fishermen who have traditionally fished in the area,” dagdag ng NTF-West Philippine Sea.

AFP Chief of Staff General Brawner, kasama sa pagtungo sa Ayungin Shoal

Sa kabilang banda, pinasalamatan mismo ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr., ang mga sundalong Pinoy na nakahimpil sa Ayungin Shoal dahil sa tapang at sakripisyo aniya ito sa pagbabantay sa sobereniya ng Pilipinas.

Napag-alaman na kasama pala sa resupply mission ng pamahalaan ang pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para personal na masaksihan ang kalagayan ng mga sundalo sa lugar.

Bitbit din ng heneral ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa gitna ng nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan.

“Your President is with you, I am with you, the whole Filipino nation is with you,” ayon kay Gen. Romeo Brawner.

Kinikilala rin ng AFP ang kontribusyon ng mga sundalong Pinoy lalo na sa pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa mga pag-aari nito batay sa isinasaad sa international law.

“We value your service and sacrifice which demonstrates the Filipino’s indomitable spirit in asserting our rights and performing our obligations under international law,” dagdag ni Brawner.

Pagsama ni AFP Chief of Staff General Brawner sa resupply mission ng Pilipinas sa WPS, hindi act of war—AFP Spox

Itinanggi naman ng AFP na walang malisya ang pagsama ni Brawner sa pinakahuling resupply mission ng pamahalaan sa Ayungin Shoal.

Sa media briefing sa Malakanyang, sinabi ni Col. Medel Aguilar, tagapagsalita ng AFP na walang masama sa pagsama ng heneral sa tropa ng pamahalaan bagkus nais lamang aniya nitong masaksihan ang totoong mga nangyayari sa gitna ng misyon sa karagatan.

Para naman sa panig ng National Security Council, naniniwala sila na walang dahilan para humantong sa giyera ang pagsama ni Brawner sa misyon.

Anila, tama ang kanilang sinusunod na operating standards.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble