2 lugar bubuksan ng DOT para maging Tourist Rest Area sa probinsya ng Cebu

2 lugar bubuksan ng DOT para maging Tourist Rest Area sa probinsya ng Cebu

HINDI lang isa, kundi dalawang lugar ang pinasinayaan ng Department of Tourism (DOT) para sa pagtatayo ng Tourist Rest Area (TRA) sa probinsya ng Cebu, ito’y bunsod sa pagnanais ng administrasyong Marcos na maging pantay-pantay ang promosyon ng turismo sa bansa.

Kasunod ng mahahalagang ground breaking ceremonies sa Bukidnon at Island Garden City of Samal sa Davao del Norte, pinangunahan ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco noong Sabado, Oktubre 8, ang pagtatatag ng TRA sa munisipalidad ng Carmen at Medellin sa lalawigan ng Cebu.

Ito’y sa pagnanais na maging komportable ang mga turista sa kanilang paglalakbay sa lalawigan ng Cebu at sa buong Pilipinas.

“Inspirasyon po natin yung vision ng ating presidente na si Ferdinand Bongbong Marcos, for the tourism industry to have institutional changes in the sense that magfocus talaga tayo sa overall tourism experience at sa pag enhance po nito, makikita po natin na sa Tourist Rest Area po natin magkaroon ng lugar yung ating mga turista upang makapag rest, makagamit ng malinis at magandang restrooms at makakuha ng vital information about the key destinations po natin, makabili ng ating mga local delicacies and products,” ayon kay DOT Secretary Christina Garcia-Frasco.

Ang TRA na itatayo sa maraming lugar sa Pilipinas ay isang katuparan sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pagbutihin ang pangkalahatang karanasan ng ating mga turista sa kanilang pamamasyal sa ating bansa.

Sa proyektong ito, katuwang ng DOT ang TIEZA (Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority), sa pangunguna ni TIEZA COO Mark Lapid.

“Actually kami yung nag concept, binigay ni Secretary yung programa sa amin, so kami yung nag concept, nag design, kami ang mag fo-fund, sa amin manggagaling ang pondo. So, para doon sa infrastructure support para sa Department of Tourism. Target namin matapos by December this, yah, para mapakinabangan. 10 po yan, we are trying our best to finish it, but we’re in bidding process na, so anything soon, next week magsisimula na yan,” ani Mark Lapid, COO-TIEZA.

Ang TRA na itatayo sa munisipalidad ng Carmen ay makikita sa plaza at sa mismong harap ng municipal hall ng bayan, isang strategic na lugar na kung saan sentro ito sa lahat ng distinasyon sa hilagang bahagi ng lalawigan.

Samantala ang lupang pagtatayuan ng TRA ay bigay ng local government ng Carmen sa DOT sa pamamagitan ni Mayor Carlo Villamor, na lubos na nagpapasalamat sa pagkakataong ibinigay sa kanila upang lalo pang mapasigla ang turismo sa kanilang lugar.

“Syempre po lalago po yung tourism and travel confidence dito sa Pilipinas dahil makikita po ng ating mga turista that we are insuring there safety and security and convenience, nakikipag coordinate din tayo sa ating mga local government unit pati na rin sa DILG to ensure the presence of our tourist police and tourist cops and they will be in the vicinity to all of these tourist areas to make sure na tuluy-tuloy na yung recovery ng ating tourist industry,” dagdag ni Sec. Frasco.

Sumunod na pinasinayaan ng DOT ang ikalawang TRA sa bayan ng Medillin, na kilalang historical place, may kakaibang rock formation at iba’t ibang water activity.

Matatagpuan ang TRA sa harap ng municipal hall ng Medillin kung saan tanaw ang magandang dagat, na siguradong papatok sa mga turista.

“We are giving equal importance to our local government unit across the country and therefore all the Tourist Rest Areas will be equally beautiful, well made, functional and useful sa ating mga tourist, yung budget po nito ay 7 million per facility,” ayon pa kay Frasco.

Lubos naman ang pasasalamat ni Cebu Gov. Gwen Garcia kay DOT Sec. Frasco, dahil sa unang series ng paglalagay ng TRA sa bansa ay dalawa agad ang nakuha ng probinsya ng Cebu.

Bagamat hindi muna nagbigay ng malinaw na impormasyon ang gobernadora hinggil sa iba pang TRA na bubuksan sa ibang bahagi ng probinsya ay sinabi na ni Frasco ang kanilang plano para sa turismo sa timog/katimogang bahagi ng Cebu.

 “We also have identified critical areas in the south, that are of need of tourist convenience specially that they have various offerings that includes the beach, nature, canyoneering including diving which is one of the biggest industry tourism in Cebu, nakita po natin na ang Cebu po talaga continues to be the leader in terms of tourism arrivals as well as tourism development and it deserves our all-out support equally with the other provinces across the Philippines,” pagtatapos ni Frasco.

Samantala, ayon kay Sec. Frasco, ang kultura sa pagpapahalaga sa turismo na ipinakita at itinuro ni Gov. Gwen, na siyang kanyang ina, ang kanyang gabay sa kanyang first 100 days ng kanyang administrasyon bilang tourism secretary ng bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter