2 menor de edad na tangkang ibenta ng sariling ina sa halagang P30-K, naisalba—NACC

2 menor de edad na tangkang ibenta ng sariling ina sa halagang P30-K, naisalba—NACC

ARESTADO ang 23-taong gulang na ina matapos ang tangka niyang pagbenta sa kaniyang dalawang menor de edad na anak.

Kasunod ito ng panibagong entrapment rescue operations ng National Authority for Child Care (NACC) at PNP Women and Children Protection Center sa isang hotel sa Catarman, Northern Samar nitong nakaraang linggo.

Nailigtas ang 2-taong gulang na batang babae at kapatid niyang lalaki na 1 buwan pa lamang matapos maipanganak at ibinenta ng tig-P30,000 sa awtoridad na nagpanggap na buyer.

Sinabi ni NACC Executive Director Usec. Janella Estrada, naka-transact nila ang suspek dahil sa talamak na baby for sale, online.

Sa ngayon, hawak ng Catarman PNP ang suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang na ang paglabag sa RA 7610 (Child Protection Act).

Habang nasa kustodiya naman ng Catarman Lingap Center ang dalawang biktima.

Matagal nang sumulat ang NACC sa management ng Facebook para aksiyunan ang talamak na bentahan ng bata online ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa silang nakukuhang tugon.

Naaresto rin ang dalawang suspek sa pagbebenta ng 8-day old na sanggol sa halagang P90,000 sa Dasmariñas City, kamakailan.

Sa isang Facebook page rin inialok ng mga suspek ang naturang sanggol.

Facebook groups na bentahan ng bata, bumaba—NACC

Unti-unti na umano nababawasan ang mga Facebook groups na nagbebenta ng bata.

“So, from 23 pages naging 7 na lang. Ibinalita ni CICC sa amin ‘yung iba kasi nag-deactivate kaso natakot sila doon sa lumabas sa news and ‘yung iba naman ay na deactivate ni CICC,” ani Usec. Janella Estrada, Executive Director, NACC.

Ayon sa NACC, bukas ang kanilang tanggapan sa mga magulang na hirap buhayin at nais na lang ipaampon ang kanilang anak.

Pero, kailangan itong dumaan sa tamang proseso.

Para masawata ang ilegal at delikadong pag-aampon ng mga bata, mas pinabilis, pinasimple at hindi magastos ang batas para sa pag-proseso nito.

Administratibo na ang proseso ng pag-aampon, tanging mga lehitimong social workers na lamang sa ilalim ng NACC at DSWD ang lilitis kung ikaw ba ay karapat-dapat na mag-ampon ng bata.

Hindi na kasi kailangang i-daan pa sa korte ang kaso ng domestic adoption na umaabot ng ilang taon bago maaprubahan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble