NASAWI ang dalawang miyembro ng kalaban ng estado sa pinaigting na operasyon ng militar sa Moises Padilla, Negros Occidental.
Sa ulat ng AFP Visayas Command (VisCom), nagsasagawa ng focused operation ang 62nd Infantry Battalion nang makaengkwentro ang mga miyembro ng NPA na tumagal ng 40 minuto.
Kinilala ang mga nasawi na sina Johnhill Sarsa, alyas Mark, Political Officer ng Sandatahang Yunit Pampropaganda Platoon Lenovo, Central Negros Front 1, Komiteng Rehiyon – Negros Cebu, Bohol, Siquijor at Dalmacio Dela Torre, alyas Delmar, miyembro ng Central Negros Front 1, Komiteng Rehiyon – Negros Cebu, Bohol, Siquijor.
Nakuha sa lugar ang 6 na armas, samu’t saring bala, personal na gamit at mga dokumento.
Pinuri ni Major General Benedict Arevalo, acting commander ng AFP Visayas Command ang kanilang mga tauhan sa matagumpay na operasyon habang hinikayat nito ang nalalabing miyembro ng NPA na ibaba na ang armas at magbalik-loob sa batas.