2 resolusyon na nagpapakita ng pagtutol sa imbestigasyon ng ICC, inihain sa Senado

2 resolusyon na nagpapakita ng pagtutol sa imbestigasyon ng ICC, inihain sa Senado

DALAWANG resolusyon ang isinumite sa Senado na naghahayag ng pagtutol sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).

Araw ng Lunes ay unang inihain ni Senator Robin Padilla ang Senate Resolution No. 488, na nagtatanggol kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa imbestigasyon at pag-uusig ng ICC.

Highlight sa nasabing dokumento ang “unequivocal defense para sa dating Presidente, mula sa imbestigasyon at prosekusyon ng ICC.

Iginiit din ni Padilla sa kanyang resolusyon na gumagana ang judicial system ng Pilipinas, at isa aniyang pang-iinsulto ang pagpayag ng ICC na imbestigahan ang umanoy “crimes against humanity” sa bansa.

Ipinunto ni Padilla na sa administrasyong Duterte, nagkaroon ng “remarkable accomplishments” dahil sa kampanya laban sa iligal na droga, rebelyon, terorismo, katiwalian at krimen, habang bumuti ang peace and order situation.

Sen. Go pinuri ang resolusyon ni Padilla na nagtatanggol kay FPRRD laban sa ICC investigation

Ang hakbang ni Padilla ay pinasalamatan naman ni Senator Bong Go, na kilalang kaalyado at special assistant ng dating Pangulo.

 “I thank Sen. Robinhood Padilla for his Proposed Senate Resolution No. 488 defending former President Rodrigo Duterte from investigation or prosecution by the ICC. I am most willing to be made as a co-author of said resolution,” saad ni Sen. Bong Go.

Inihayag ni Go na nais niyang maging co-author ng nasabing resolusyon.

“Bilang senador ngayon at naging parte rin ng nakaraang administrasyon, alam ko na ginawa lang ni dating Pangulong Duterte ang kanyang sinumpaang tungkulin para sa kaligtasan ng mga Pilipino at kinabukasan ng ating mga anak,” dagdag ni Sen. Bong Go

Ani Go, alam niya na ginawa ni Duterte ang lahat para panindigan ang kanyang tungkulin para sa kaligtasan ng mga Pilipino.

Sen. Jinggoy tutol din sa ICC investigation sa nakaraang administrasyon

Samantala, bukod kay Sen. Padilla, ay naghain din ng resolusyon si Senator Jinggoy Ejercito Estrada na nagsasaad ng matinding pagtutol ng Senado sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa umano’y crimes against humanity na nangyari sa pagpapatupad ng kampanya laban sa iligal na droga sa ilalim ng Duterte administration.

“Sa pamamagitan nito ay napagpasiyahan ng Senado ng Pilipinas ang mahigpit na pagtutol sa desisyon ng ICC na ipagpatuloy ang pagsisiyasat nito sa mga krimen na ginawa sa bansa, pagdudahan ang umiiral at kakayahang hudisyal na sistema pati na ang paglapastangan sa soberenya ng Pilipinas,” ayon naman kay Sen. Jinggoy Estrada.

Sa kanyang Senate Resolution No. 492 na inihain din araw ng Lunes, sinabi ni Estrada na isang kalapastanganan sa soberanya ng Pilipinas at paghamon sa kakayahang umiral ang judicial system sa bansa ang naging desisyon ng Pre-Trial Chamber ng ICC na pahintulutan ang pagpapatuloy ng nasabing imbestigasyon.

Ipinunto ni Estrada ang pagsisikap ng pamahalaan na siyasatin ang naganap na war on drugs operations ng anti-narcotics group ng Philippine National Police (PNP) na nag-udyok sa PNP Internal Affairs Service (IAS) at Department of Justice (DOJ) para magsampa ng apat na kasong kriminal laban sa mga abusadong pulis.

 “Nakasaad sa letter of request ng Pilipinas na ang gobyerno ang may unang responsibilidad at karapatang mag-prosecute sa mga nakagawa ng krimen. Bukod dito, sinabi rin na ang ICC ay maaari lamang gamitin ang hurisdiksyon kapag bigo ang pambansang legal na sistema na hindi angkop sa kaso ng Pilipinas dahil ang mga domestic na institusyon ay ganap na gumagana at kayang tugunan ang mga alalahanin na iniharap sa abiso ng taga-usig,” dagdag ni Sen. Jinggoy Estrada

Paalala pa ni Estrada na Nobyembre 10, 2021 pa lamang ay hiniling na ng Pilipinas na ipagpaliban ang mga imbestigasyon at paglilitis ng ICC batay sa complementary principle na pinapairal ng nasabing intergovernmental organization at international tribunal.

Matatandaan na sa Kamara ay una nang naghain ng kahalintulad na resolusyon si Pampanga Congresswoman at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

 

Follow SMNI News on Twitter