KINUMPIRMA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na patuloy ang operasyon ng mga paliparan sa Hilagang Luzon na tinamaan ng Bagyong Marce.
Gayunpaman, kanselado ang mahigit 20 commercial flights sa rehiyon, na nagresulta sa pagkaantala ng biyahe ng mahigit 2K pasahero.
Ayon kay Eric Apolonio, tagapagsalita ng CAAP, nagsimula ang mga pagkansela ng flight mula Miyerkules, Nobyembre 6, hanggang Biyernes, Nobyembre 8.
Nagdesisyon ang mga airline na kanselahin ang mga flight sa North Luzon dahil sa masamang panahon na dala ng bagyo.
Sa kabila ng pagkansela ng mga flight, wala namang naiulat na pinsala sa mga paliparan sa rehiyon.
Ayon kay Apolonio, nananatiling buo at ligtas ang mga kagamitan at pasilidad sa mga paliparan.
Sa ngayon, may anim na flights ang nakansela sa Basco Airport at Tuguegarao at 8 naman sa Laoag International Airport.
Pinayuhan ng CAAP ang mga nagbabalak maglakbay patungo sa rehiyon na makipag-ugnayan sa kanilang mga airline bago pumunta sa paliparan.
Layunin nitong maiwasan ang mga hindi kinakailangang pagkaantala o pagkansela ng biyahe.