TATANGGAP ang tinatayang 200,000 na manggagawa na naapektuhan Alert Level 3 status sa National Capital Region (NCR) ng financial assistance mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa ilalim ng programang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ng DOLE ang bawat benepisaryo o manggagawa na apektuhan ng patuloy na umiiral na Alert Level-3 status sa NCR at sa iba pang lugar sa bansa ay makatatanggap ng one-time financial assistance na P5,000.
Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay tinatayang nasa 200,000 manggagawa ang makikinabang sa isang bilyong pisong inilaan sa ilalim ng CAMP.
Uunahin ang mga manggagawang naapektuhan ng permanenteng pagsasara o retrenchment at pansamantalang pagsasara ng mga establisimyento.
Matatandaan una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mayroong 11,500 manggagawa ang apektado ng permanenteng pagsasara ng mga establisimyento o ng retrenchment.
Dagdag pa ni Tutay hanggang Enero 15 may mahigit dalawang libo na apektado ng temporary closure simula nang itinaas sa Alert Level 3 ang Metro Manila.
Ani pa ni Tutay dapat din na maintindihan ng mga kababayan natin na limitado lamang ang pondong inilaan sa ilalim ng CAMP program na kinuha pa sa General Appropriation Funds.
Maaaring sa susunod na linggo bubuksan na ng DOLE ang kanilang system sa pagtanggap ng aplikasyon.
Ang mga kumpanya o indibidwal na aplikante ay maaaring maghain ng kanilang aplikasyon sa pamamagitan ng DOLE online application system, reports.dole.gov.ph.
Ang mga nakatanggap naman noong nakaraang taon ay hindi na muling makatatanggap.