“FEATURED” muli para sa MUBA Cosmetics ang representative ng Pilipinas para sa Miss Universe.
Sa ipinalabas na photoshoot kamakailan ng cosmetic brand, isa si 2022 Miss Universe Philippines Celeste Cortesi sa 5 beauty queens na tampok dito.
Kasama ni Celeste ang representatives ng Miss Universe 2022 mula Thailand, Spain, Bahrain at South Africa.
Noong nakaraang linggo pa ay nagpalabas ang MUBA Cosmetics ng video clip ni Celeste kung saan ang CEO at founder ng brand na si Andres Felipe ang mismong gumawa ng “Everyday Look” ng Philippine bet.
Isang karangalan naman ito para sa Pilipinas lalo na’t hindi lahat ng kasali sa Miss Universe ay itinatampok sa MUBA Cosmetics.
Taong 2020 nang unang nai-feature ang Pilipinas sa MUBA Cosmetics sa katauhan ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo at sinundan ito ni Miss Universe Philippines 2021 Beatrice Luigi Gomez.