2023 National Budget, maglalaan ng pondo para sa libreng wifi sa mga pampublikong lugar

2023 National Budget, maglalaan ng pondo para sa libreng wifi sa mga pampublikong lugar

PINONDOHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang Free Wi-Fi for All – Free Public Internet Access Program ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalawig ang interconnectivity sa Pilipinas.

Ayon sa DBM, halos PhP2.5-bilyon ang ibinigay na alokasyon para sa libreng Wi-Fi sa ilalim ng 2023 Proposed National Budget.

Layon din ng inilaang badyet na masuportahan ang implementasyon ng online at blended learning.

Mula sa naturang halaga, PhP 2.45-bilyon dito ang inilaan para sa libreng Wi-Fi sa public places sa bansa.

Habang PhP 50.7-milyon naman ang alokasyon sa Free-Wi-Fi sa State Universities and Colleges (SUCs) para sa pagpapatuloy ng online at blended learning ng mga mag-aaral.

Ang Free Wi-Fi for All Program ay inaasahang magbibigay ng libre, mabilis, at secure na internet access sa mga pampublikong lugar.

Ito ay tulad na lamang ng mga ospital, paaralan, paliparan, pantalan, at transport terminals.

Makatutulong din ang naturang programa sa pagbibigay ng economic, social, at educational opportunities sa mamamayan.

Samantala, pinondohan naman ng DBM ng P2.06 billion ang implementasyon ng Philippine Identification System (PhilSys).

Ito ay sa ilalim pa rin ng panukalang 2023 national budget.

Layon ng inilaang pondo na masigurado ang pagpapatuloy ng implementasyon ng PhilSys.

Kasama rin ang pagtiyak na mabigyan ng identification cards ang tinatayang 92 milyong mga Filipino hanggang sa kalagitnaan ng 2023.

Follow SMNI NEWS in Twitter