INIHAYAG ng Budget Department na naaayon sa 8-point socioeconomic agenda ng Marcos administration ang proposed national budget para sa taong 2023.
Nakasaad sa Facebook post ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, binuo ang 2023 proposed national budget na nakabatay sa 8-point socioeconomic agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Base na rin ito sa ipinaliwanag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.
Saysay pa ni Cruz-Angeles, nabanggit din ni Pangandaman na inaasahan na magbibigay-daan sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya ang first full-year budget ng pamahalaan.
Nasa P5.268 trillion ang proposed national budget para sa susunod na taon kung saan layon nitong palakasin ang purchasing power ng mga Pilipino.
Bukod dito, nilalayon din ng naturang panukalang pambansang pondo na maibsan ang epektong dala ng pandemya, pag-ibayuhin ang bureaucratic efficiency at suportahan ang local government units.
Matatandaang pormal nang nai-turnover sa House of Representatives ang kauna-unahang panukalang pambansang pondo ng Marcos administration o ang 2023 National Expenditure Program (NEP).
Ang 2023 NEP ay naglalaman ng mga proyekto at programang kaakibat ang kanilang mga nakalaang pondo.
Inaasahang tutugon ito sa pangangailangan ng sambayanan at susuporta sa mga prayoridad at adhikain ng gobyerno.
Samantala, target ng pamunuan ng Kamara na matapos ang pagtalakay at deliberasyon sa proposed national budget bago mag-Oktubre 1.