3-araw na suplay ng bigas, nawala dahil sa Bagyong Kristine—FFF

3-araw na suplay ng bigas, nawala dahil sa Bagyong Kristine—FFF

NABABAHALA ang agri groups, sa posibleng pagbagsak pa ng presyo ng palay dahil sa Bagyong Kristine.

Sa pinakahuling datos ng Agriculture Department, pumalo na sa higit P3B ang inisyal na pinsala sa sektor ng agrikultura.

Higit 72,000 ektarya ng mga pananim gaya ng palay, mais, cassava, gulay at iba pa ang naapektuhan.

Mahigit 152,000 metriko tonelada ng palay ang napinsala dahil sa nagdaang bagyo.

Sinabi ng grupong Federation of Free Farmers (FFF) na pang 3-araw na suplay ng bigas ang nawala dahil sa epekto ng Bagyong Kristine.

“I’m sure in the coming days ay lalaki pa ‘yang losses sa ating palay production. So, medyo sa palagay ko seryoso ‘yung impact nitong Bagyong Kristine sa ating rice supply lalo pa’t nasa main harvest tayo ngayon,” saad ni Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.

Pero, posible pa nga aniyang lumaki ang halaga ng pinsala lalo’t nagpapatuloy pa ang ahensiya sa validation report sa mga naapektuhang rehiyon.

“Delikado kapag umabot ‘yan ng halimbawa let’s say 6-days to 10-days na total damage or total loss. Hindi ako magugulat kung na dadami pa ‘yung damaged report,” ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.

Kapag nangyari aniya ito— matinding lugi ang kakaharapin ng mga magsasaka.

Ngayon pa nga lang ay sobrang baba na aniya ang bili ng ilang traders sa aning palay ng magsasaka sabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Ang problema pa nga aniya ngayon ay karamihan na sa mga trader ay huminto na sa pamimili ng palay.

“Nasa P16 to P17 ‘yung fresh tapos ‘yung dry ay may kumukuha ng P20 to P21. Pero, nag-stop buying ‘yung mga trader we are not sured bakit nag-stop buying kung may inaantay ba sila or what. Basta nagkakaroon ng kumbaga worry ‘yung ating mga farmer kung magkano talaga maibebenta ‘yung palay by next month lalo main harvest na,” pahayag ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG

Oras na bumaba pa aniya sa P15 hanggang P14 ang bentahan ng palay ay posible na maraming magsasaka ang hindi na magtatanim pa.

“Marami ring mga farmer natin ay mawawalan sila ng ani nila na inutang nila. Malaking-malaki ang problema nila ngayon kung paano nila babayaran ‘yun kasi they need to get additional new or bagong capital malamang sa pamamagitan ng pag-utang sa private or government sector kung hindi matatamaan na naman ang susunod na taniman,” pahayag ni Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.

Ang gobyerno— tutulong sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda.

May ipamahagi umano na mga libreng binhi, abono, at iba pa sa mga magsasaka.

Bukod pa ‘yan sa P1B na quick response fund, P500M na Survival and Recovery (SURE) loan program.

Sa katunayan, naghahanda na rin ang DA sa posible namang epekto ng Bagyong Leon sa agrikultura.

Inabisuhan na rin ang mga regional office na sabihan ang mga magsasaka na anihin na ang mga pananim na kabilang sa matured crops upang kaunti na lamang mapinsala dahil sa Bagyong Leon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble