ARESTADO ang tatlong suspek sa entrapment operation sa Las Piñas City dahil sa umano’y pag-iisyu ng pekeng RT-PCR test results para sa COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ng Southern Police District, isinagawa ang entrapment operation sa isang medical clinic sa kahabaan ng Alabang Zapote Road sa Barangay Talon Dos.
Kinilala ang mga suspek na sina Frederick Jude, Janice Dasco at Gabriela Dimaano.
Narekober sa mga ito ang dalawang RT-PCR Test results, apat na rapid test results, certificate of registration, DTI business name registration, business license, Mayor’s permit at iba pa.
Narekober din sa operasyon ang rolled aluminum foil at isang pirasong improvised glass tooter na may bakas ng shabu residue.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong falsification of public documents habang mahaharap sa karagdagang kaso si Jude dahil sa paglabag illegal possession of drug paraphernalia.
Matatandaang ipinag-utos ng DILG sa PNP na paigtingin ang crackdown laban sa pekeng COVID-19 tests.