DAHIL sa pagbibiro sa single mothers, show cause order ang dumating kay Pasig Congressional Candidate Atty. Christian “Ian” Sia galing sa Commission on Elections (COMELEC).
Nakatanggap din ng show cause si Reelectionist Misamis Oriental Governor Peter Unabia dahil din sa mga nasabi nito sa kampanya.
Ayon sa kaniya, ang nursing ay para lamang sa mga babae at ang ganitong kurso ay para lamang sa mga magaganda.
May nasabi rin ito patungkol sa Muslim Community.
Pinagpapaliwanag din ngayon ng poll body si Mataas na Kahoy, Batangas Vice Mayor Jay Ilagan na ngayon ay tumatakbo sa pagkagobernador.
Base sa show cause, dapat magpaliwanag si Ilagan sa nasabi niya tulad ng hindi aniya siya natatakot sa laos na si Vilma Santos at sa sinabi niya na ang “ibang mga governor ay nahihipo.”
Si Vilma Santos ay kalaban niya sa nasabing posisyon.
Ayon kay COMELEC Chair Atty. George Garcia, pinagpapaliwanag ang mga kandidatong ito dahil ang kanilang mga naging pananalita ay posibleng paglabag daw sa kanilang guidelines para sa Anti-Discrimination and Fair Elections Campaigning.
Hirit ni Garcia, hindi maaaring gamitin ng mga kandidato ang kampanyahan para mambastos ng mga tao at ng mga relihiyon.
Sa isang press conference, una ng humingi ng tawad si Sia pero ayon sa COMELEC Chief, hindi nadadaan sa sorry ang anumang nagawa nito.
Samantala, irerekomenda ng COMELEC Chief sa en banc na magkaroon ng safe spaces sa social media, sa campaign sorties, voting precincts at maging sa canvassing area kasunod ng mga pag-atake sa relihiyon at mapanirang mga biro ng mga kandidato.