3 patay sa nagpapatuloy na operasyon ng militar sa Lanao del Sur

3 patay sa nagpapatuloy na operasyon ng militar sa Lanao del Sur

NAGPAPATULOY ang operasyon ng militar laban sa mga miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute Group sa Barangay Ilalag, Maguing, Lanao del Sur.

Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) spokesperson Major Andrew Linao, nakapagtala sila ng 2 nasawi sa panig ng kalaban habang 1 nasawi at 3 nasugatan sa panig ng militar.

Nabatid na 12 bomba ang naibagsak ng tropa ng gobyerno sa kampo ng mga terorista.

Habang apat na batalyon ng mga sundalo ang naka-deploy laban sa tinatayang 50 miyembro ng ISIS-inspired group.

Sinabi naman ni Philippine Air Force spokesperson Lieutenant Colonel Maynard Mariano na ginamit sa nasabing operasyon ang bagong Super Tucano aircraft at FA-50 fighter jet.

Samantala, aminado ang Philippine National Police (PNP) na hanggang ngayon problema pa rin ang banta ng terorismo sa Bangsamoro Region.

“Sa PRO BARMM, sa area ng PRP BARMM is mayroon tayong threat katulad ng Abu Sayaff Group, ISIS, at mga BIFF. With regards to kuwan naman, doon sa CPP-NPA-NDF, mayroon mga report doon sa areas din na boundaries ng Lanao del Sur tsaka Bukidnon,” pahayag ni PLt. Col. Cristio Lagyop, head, PIO, PNP-BARMM.

“Pero sa kabila nito, patuloy pa rin nilang sinisikap na matiyak na ligtas ang mamamayan ng kanilang rehiyon partikular na sa kasalukuyang pagdaraos ng kampanya at halalan ngayong taon,” dagdag ni Lagyop.

“Nakadeploy po, may mga deployments tayo na strategically located sa bawat municipalities, provinces, in relation I mean, in relation to the upcoming national and local elections,” aniya pa.

Batay sa datos ng PNP BARMM, kasama sa binabantayan ng kapulisan ang Bangsamoro Region dahil sa usapin ng seguridad tuwing panahon ng halalan.

Sa katunayan, umabot sa 102 na mga bayan at lungsod ang naisumite na PNP-BARMM sa tanggapan ng COMELEC upang hingin ang basbas ng pagtatalaga ng seguridad sa mga lugar na ito.

Follow SMNI News on Twitter