3 taong tax holiday, hiniling ng film producers sa LGUs—Sec. Abalos

3 taong tax holiday, hiniling ng film producers sa LGUs—Sec. Abalos

HINILING ng film producers sa mga LGU na magpatupad ng 3 taong tax holiday para sa lokal na industriya ng pelikula sa bansa.

Humakot ng lagpas P1-B kita ang katatapos lang na Metro Manila Film Festival (MMFF).

Nagsimulang magbukas sa mga sinehan ang mga pelikulang gawang Pilipino noong Disyembre 25, 2023 at natapos nitong Enero 7, 2024.

Ang kita na umabot sa P1.069-B ay record breaking dahil noon pang taong 2018 ang huling record high na kita ng MMFF.

Kaya naman upang mas mapalago pa ang industriya, humingi ng tulong sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang iba’t ibang samahan sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Ito’y para pakiusapan ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng tatlong taong “tax holiday” para sa lokal na industriya ng pelikula sa bansa.

Sa isang Pulong Balitaan sa Kampo Krame araw ng Huwebes, sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos, Jr. na layon ng naturang panukala na matulungan ang industriya ng pelikulang Pilipino na bumangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Sec. Abalos, kakausapin niya ang mga alkalde para ibigay ang hinihiling ng mga movie producer.

Paliwanag pa nito na kung mangyari ay hindi naman malulugi ang mga LGU dahil sa kabuuang pelikula na pinapalabas ay nasa 30 porsiyento lamang dito ay Filipino movies.

“Well ‘yun po ang hinihingi ng board ng samahan na baka puwede may tax holiday at least ito’y sa pelikulang Pilipino lamang” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Jr., DILG.

“Sa ngalan po ng DILG, tutulong kami na makumbinse ang mga alkalde, mga LGU na baka kung puwede, dahil isipin niyo ha, kung ito ‘yung pie hindi lang naman lahat ng pelikulang Pilipino may foreign. Sa mga pelikulang Pilipino siguro marami na ‘yung tatlo, baka pupwede i-zero na lang natin, tulong na lang natin para makabangon naman sila,” dagdag ni Abalos.

Ang pahayag ng kalihim ay ginawa matapos na malaman ang iba’t ibang hinaing ng mga Filipino movie producers.

Ayon pa kay Abalos, nauunawaan niya ang hirap ng mga nasa industriya ng pelikulang Pilipino dahil bukod sa malaking gastos sa produksiyon ay nadaragdagan pa ito ng bayad sa iba’t ibang permit.

“Yung taxation ‘yun pong buwis na tinatawag. Meron na silang VAT, meron pa silang amusement taxes VAT is 10%, amusement tax is 10 at kung nagsho-shooting sila kaliwa’t kanang permits ang kailangan nila. In-short roughly sa 100%, pinakamalaki na siguro ang 30% kung kikita sila more or less approximately po ito, not mentioning the fact na marami pang problema bakit number 1 ‘yung pirata,” ani Abalos.

Kaya maliban sa tatlong taon na tax holiday, plano rin ng kalihim na mas paiigtingin ang paghuli sa mga namimirata sa mga pelikula at gagawa rin ito ng paraan upang mas mapabilis ang pagkuha ng permit sa mga lokasyon ng shooting.

“Aayusin na natin siguro papaano pagkuha ng permit sa isang barangay para mas coordinated, dahil marami na ring mga foreigners na gustong mag shooting sa ating foreign film production, collaboration nila para mas mabilis at gumanda ang film industry sa ating bansa.”

“Policy issues tungkol sa mga batas ngayon lalo na about piracy at enforcement nito kung paano natin gagawan ng paraan ito,” aniya.

Nagpasalamat naman si Tirso Cruz III, chairman at chief executive officer ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa DILG sa pakikinig sa kanilang hinaing lalo’t naniniwala siyang malaki ang maiaambag ng pelikulang Pilipino sa pagpapalago ng ekonomiya.

“Kami naman po nagpapasalamat unang-una sa oras na pinagkaloob sa amin ni Secretary (Abalos) at marami kaming napag-usapan at maraming ipinaliwanag, at nangako naman si Sir na lahat ng magagawa ng kaniyang departamento ay gagawin niya upang matulungan ang pelikulang Pilipino” ayon kay Tirso Cruz, III., Chairman, Chief Executive Officer, FDCP.

Sa huli panawagan ni Cruz sa publiko.

“Tulungan po natin ang ating industriya, Filipino first, unahin natin ang sariling atin bago ang ibang bansa,” dagdag ni Cruz.

Sa ngayon ay bumuo na ng technical working group ang DILG upang pag-aralan ang mga polisiya at ang magiging sistema upang tulungan ang pelikulang Piliipino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble