30% ng batang Pilipino, maituturing na “stunted”; isa sa mga pinakamataas na bilang sa buong mundo—DSWD

30% ng batang Pilipino, maituturing na “stunted”; isa sa mga pinakamataas na bilang sa buong mundo—DSWD

TINUTUTUKAN ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “child stunting” o pagkabansot.

Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, nasa 1/3 o 30% ng batang Pilipino ay maituturing na “stunted”, aniya, isa ito sa mga pinakamataas na bilang sa buong mundo.

Dagdag ng kalihim, ang naitalang pagkabansot ay mula sa mga pinakamahirap na pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Kaya naman, ipatutupad ng DSWD ang First 1,000 Days (F1KD) para sa mga benepisyaryong buntis at lactating mothers na may 0 to 2 years old na anak.

‘’Kasi one-third ng mga kabataan natin o 30% ng ating mga kabataan is rated as stunted, isa sa pinakamataas sa mundo,’’ ayon kay Sec. Rex Gatchalian.

‘’Hindi lang DOH kung ‘di dapat tumulong ang DSWD. Kaya alam natin itong pagkabansot, malalim iyan doon sa mga pinakamahirap sa 4Ps kaya mag-i-introduce tayo ng first 1000-day grants para sa mga nanay na nagbubuntis o may anak na mula zero to two years old,’’ saad ni Gatchalian.

Ibinahagi ng kalihim na ang pondo ng DSWD ay nasa 200 bilyong piso kung saan kalahati nito awtomatikong inilalaan sa 4Ps program.

‘’Automatic iyan, sila ang pinakamalaking bahagi at porsyento ng aming budget. Kasi iyong 4Ps program, ang layunin niyan ay mabali iyong kahirapan na naisasalin mula sa isang henerasyon patungo sa isang henerasyon,’’ saad nito.

Nabatid na nasa 4.4 milyong pamilyang Filipino ang miyembro ng 4ps.

Dahil naman sa taas ng presyo ng mga bilihin, naatasan din ang DSWD na pag-aralan pa nang mabuti ang implementasyon ng Food Stamp program.

Kaya naman, may panibagong pilot implementation ng programa na ikakasa ngayong taon, mula Enero hanggang Hulyo.

‘’Dahil sa taas ng presyo ng bilihin, iyong P3,000 pesos ba ay sapat pa o kailangan nang i-adjust. Alam ninyo importante kasi na sumasabay tayo sa mga challenges ng panahon at alam natin na ang hunger ay isa sa pinaka—o ang kagutuman ang isa sa pinakamalaki na problema pa rin ng ating bansa,’’ ani Gatchalian.

Sa huling talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA), 750,000 na pamilyang Pilipino ang tinatawag na food poor. Sila iyong mga pamilya na hindi kumikita na lalagpas sa P13,000 kada buwan, ibig sabihin, pagkain pa lang, kulang na kulang na iyong kanilang kinikita.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble