SA Caminawit Port sa San Jose, Occidental Mindoro, pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang send-off ng 35,000 sako ng bigas patungong Cebu City.
Kasama niya si National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson sa pagsusuri ng kalidad ng bigas bago ito isakay sa barko. Ito na ang ikalawang batch ng shipment patungong Central Visayas para sa programang naglalayong gawing abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga pamilyang Pilipino.
Matapos ang seremonya, nakipagdayalogo si Secretary Laurel sa mga lokal na magsasaka. Ayon sa kanya, mahalagang matiyak na hindi lang abot-kaya ang bigas para sa mga mamimili, kundi makatarungan din ang presyo para sa mga magsasaka.
Sa ngayon, mas mataas ang alok ng NFA sa palay—mula P18 hanggang P24 kada kilo—kumpara sa presyo ng ilang pribadong mamimili na nasa P13.50 hanggang P18 kada kilo.
Ayon kay Lacson, nagpapatuloy ang pagpapalawak at pagsasaayos ng mga bodega ng ahensya para mas maraming palay ang maiproseso at maimbak. Siyam na bodega na ang naayos na maaaring maglaman ng hanggang 455,000 sako.
Sa buong Occidental Mindoro, inaasahang aabot sa mahigit isang milyong sako ang kabuuang kapasidad ng mga bodega kapag natapos ang pagkukumpuni.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, nasa mahigit 653,000 metriko tonelada ng palay ang naani mula sa Oriental at Occidental Mindoro noong nakaraang taon—katumbas ng higit tatlong porsyento ng kabuuang ani sa buong bansa.
Ayon sa Department of Agriculture at NFA, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan para matiyak na maayos ang distribusyon ng murang bigas, habang sinusuportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka.