PINAULANAN ng Israeli military ng bomba ang Gaza Strip sa teritoryo ng Palestine ngayong madaling araw ng Miyerkules.
Ito na ang pinakamatinding airstrike sa Gaza simula nang mangyari ang pambobomba noong 2014.
Ayon sa Health officials ng Gaza, 36 Palestinian ang nasawi kabilang ang sampung bata habang 250 ang sugatan.
Nangyari ang pambobomba ng Israeli sa Strip matapos maglunsad ang Hamas ng mga rocket patungo sa Israel.
Umabot naman sa lima ang nasawi sa Israel.
Target sa pambobomba ng Israel army ang ilang lugar sa Gaza kabilang ang timog ng Khan Younis.
Pinaulanan din ng bomba ang ilang police station sa Gaza Strip kung saan ganap na nawasak ang main police headquarters nito.
Hindi rin nakaligtas ang mga bahay ng senior commanders ng Hamas.
Ayon sa ulat, libo-libong kabahayan na ang nasira dahil sa air strikes ng Israel.
Inihayag naman ng Israeli military na napatay nito ang mga pangunahing opisyal ng Hamas sa Gaza strip.
Sa isang social media post, kinilala ang mga nasawing opisyal na sina Hassan Kaogi, lider ng Hamas military intelligence security department at ang kanyang deputy na si Wail Issa, lider ng military intelligence counterespionage department.
Wala namang kumpirmasyon mula sa Hamas sa nasabing pahayag ng Israeli army.
(BASAHIN: Israel, inakusahan sa pagpatay sa Iranian nuclear scientist)