38-K traditional PUJ sa Metro Manila na umano’y hindi na makakabiyahe simula Pebrero, pinasinungalingan ng LTFRB

38-K traditional PUJ sa Metro Manila na umano’y hindi na makakabiyahe simula Pebrero, pinasinungalingan ng LTFRB

PINABULAANAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang mga ulat sa usapin ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa Palace briefing, binigyang-linaw ni LTFRB-National Capital Region (NCR) Director Zona Russet na hindi totoo ang pinakakalat ng ibang transport groups na aabot sa 38,000 units ng tradisyunal na jeep sa Metro Manila ang hindi na makakabiyahe pagsapit ng Pebrero ngayong taon.

Batay sa datos ng LTFRB, nasa 97.18% ng mga confirmed PUJ unit sa Metro Manila ang nakapag-consolidate na bilang bahagi ng PUV Modernization Program.

Katumbas ito ng 21,655 units mula sa 22,284 units na nakapagsumite ng kumpirmasyon para mairehistro ang kanilang unit sa Land Transportation Office (LTO) noong 2023.

Dahil dito, mas maliit na bilang na lamang ang bigong makapag-consolidate matapos ang deadline noong Disyembre.

“Ang tinitingnan natin na konti lang po less than 3% lang sa rehistradong PUJs ang hindi nag-consolidate. Base sa mga naka-rehistro, yes. Less than 1,000 po ang hindi nag-consolidate na currently registered,” ayon kay Zona Russet, Regional Director, LTFRB-NCR.

Una na ring tiniyak ng Office of the Transport Cooperative (OTC) na ang mga operator o driver ng mga unit na ito ay maaaring sumailalim sa social support program o ang Entsuperneur program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Suspensiyon ng klase at trabaho, hindi irerekomenda ng MMDA kasabay ng kilos-protesta ng 2 transport groups

Sa panig naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kanilang tiniyak na nakahanda sila sa isasagawang malawakang kilos-protesta ng grupong PISTON at Manibela, bukas ng Martes.

Ang nasabing kilos-protesta ay may kaugnayan pa rin sa pagtutol nila sa PUV modernization ng gobyerno.

Sinabi ni MMDA chairman Romando Artes, sa kabila ng protesta ay hindi irerekomenda ng MMDA ang pagsuspinde sa klase at trabaho.

Pero, nakahanda ang kanilang iba’t ibang augmenting measures kung kakailanganin.

“Hindi po natin dini- discriminately dini-dispatch ‘yung mga libreng- sakay dahil makakaagaw po ito ng mga pasahero sa hindi sasama sa protesta o tigil-pasada na kung gagawin po natin ‘yun ay mawawalan sila ng kita. Paulit-ulit na po “yung rally, nasanay na po kami na rumesponde, so handa kami,” ayon kay Atty. Romando Artes, Chairman, MMDA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble