KINUWESTIYON ng legal team ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang kapangyarihan ng Kamara na mag-issue ng contempt order laban sa butihing Pastor.
‘‘There’s a motion to approve House Bill 9710 on 2nd reading—all those in favor, please say Aye? All those against, say Naye? The ayes have it—House Bill 9710 is hereby approved on 2nd reading.’’
Iyan ang eksena sa plenaryo nitong nakaraang linggo nang aprubahan sa 2nd reading ang panukalang batas para tanggalan ang prangkisa ng SMNI.
Kung pagbabatayan ang legislative process, natapos na ang lahat ng committee activities sa mga isyu na ipinagpipilitan nilang ginawa ng network.
Ngunit, sa kabila nito ay pinadadalo pa rin sa imbestigasyon ng franchise committee si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ito’y kahit na malinaw ang paliwanag ng legal team ng SMNI na walang kinalaman si Pastor Apollo sa day-to-day operations ng network sa mahabang panahon.
At ang posisyon na Honorary Chairman ay bilang paggalang lamang sa butihing Pastor bilang nagtatag ng himpilan.
Kaya ngayong may banta pa rin ng contempt sa butihing Pastor ay kinuwestiyon ng abogado nito na si Ferdinand Topacio ang kapangyarihan ng Kamara na gawin ito.
Lalo na’t tapos na ang lahat ng usapin sa SMNI Franchise sa committee level—ang kaparehas na komite na nagpapatawag kay Pastor Apollo.
‘‘Eh pagka ganun po, we were overtaken by events. Sapagkat, ayon po sa mga kaso ng Korte Suprema, lalo-lalo na nga itong Balag versus Senate, kapag ang komite ay nag-adjourn na or ang buong Kongreso ay nag-adjourn na, ibig sabihin nawawala na rin po ‘yung kapangyarihan ng komite o noong Kongreso mismo na mag-issue ng contempt order,’’ pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio, Legal Counsel ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Nitong nakaraang linggo nang makiusap si Atty. Topacio sa franchise committee na iantala ang paglalabas ng contempt order para kausapin si Pastor Apollo.
Pero, ani Atty. Topacio, nangyari na ang nangyari at nasa House plenary na ang usapin.
‘‘Hindi ko alam na that day itself ay mag-aadjourn na ‘yung komite. At nagulat na rin ako na noong pagka-adjourn na pagka-adjourn ay mayroon nang committee report,’’ ayon pa kay Atty. Topacio.
Kung ipipilit aniya na ipa-contempt si Pastor Apollo, giit ni Atty. Topacio na halatang-halata na panggigipit na ang ginagawa ng Kamara.
Paliwanag ng ilang kongresista, pending pa ang House Resolution laban sa umano’y fake news at red-tagging issue na pinupukol sa SMNI kaya pinahaharap pa nila sa imbestigasyon ang butihing Pastor.
Ngunit ayon sa mga miyembro ng franchise committee, mga tanong hinggil sa change of ownership ng network ang gusto nilang ipasagot kay Pastor Apollo.
Mga issue na sakop sa panukalang batas na ipinasa nila sa plenaryo—at nauna nang naipaliwanag nang maayos ng SMNI legal team.
Sa ngayon, nabigyan na ng kopya ng position paper ng SMNI ang mahigit 60 miyembro ng franchise committee.