MATAPOS mabiktima ng maling ideolohiya ng komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF, napagdesisyunan ng apat na dating kasapi ng rebeldeng grupo na tuluyang magbalik-loob sa pamahalaan.
Isinagawa ang kanilang pagsuko sa tropa ng kasundaluhan sa bayan ng Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur.
Kasabay ng kanilang pagbabalik-loob, isinuko rin ng apat ang kanilang mga kagamitang pandigma, kabilang ang isang M16A1 rifle, 2 Cal .30 Garand rifles, at 1 grenade launcher 40mm M203.
Dumalo sa seremonya sina LtCol. Roden Orbon, Battalion Commander ng 6th Civil Military Operations at tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army; P/Lt. Dangalao, OIC ng Guindulungan Municipal Police Station; at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Maguindanao del Sur.
Ayon kay Col. Edgar Catu, commander ng 601st Unifier Brigade ng Philippine Army, patuloy nilang isinusulong ang mga hakbang upang mahikayat ang natitirang miyembro ng mga teroristang grupo na magbalik-loob sa pamahalaan.
“Ang ating mga kapatid na ito ay biktima ng maling ideolohiya. Ngunit sa pamamagitan ng ating pagsisikap at suporta ng pamahalaan, sila ay muling makakapagsimula ng panibagong buhay na malayo sa karahasan,” ayon kay Col. Edgar Catu, Commander, 601st Unifier Brigade, Philippine Army.
Bilang bahagi ng reintegration program, agad na natanggap ng mga sumukong dating rebelde ang tulong pangkabuhayan. Kasama rito ang 4 na tricycle (payong-payong), kilo-kilong bigas, at cash assistance.
Samantala, pinuri ni 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Commander, Brigadier General Donald M. Gumiran, ang desisyon ng mga dating rebelde. Aniya, patunay ito na epektibo ang mga programang ipinatutupad ng gobyerno upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa bansa.
“Ang pagbabalik-loob ng ating mga kababayan ay patunay na epektibo ang ating mga programa sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon. Nawa’y ito ay magsilbing inspirasyon sa iba pang naliligaw ng landas upang mamuhay ng mapayapa at walang pangamba,” wika ni BGen. Donald Gumiran, Commander, Joint Task Force Central, 6th ID, PA.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan at kasundaluhan sa natitirang miyembro ng mga armadong grupo na talikuran ang marahas na pakikibaka at tahakin ang daan tungo sa isang mapayapang kinabukasan kasama ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.
Ang mga sumukong dating kasapi ng komunistang grupo ay kasalukuyang binibigyan ng suporta upang magsimula ng bagong buhay at magtagumpay sa kanilang reintegration sa lipunan.