SA pagdating ng milyon-milyong dosis ng COVID-19 vaccine sa bansa, hinimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na maghanda para sa pagdating ng mga karagdagang suplay at palawakin pa ang vaccination efforts ng mga ito upang maabot ang target na 4-M na bakunahan sa huling linggo ng Hunyo.
(BASAHIN: MOA para sa itatayong mega vaccination site sa Nayong Pilipino, isinasapinal na)
Ayon sa DILG, kinakailangang magdagdag ang mga lokal na pamahalaan ng mga vaccination site, mga cold storage at transportasyon.
Giit ng ahensya na maaaring gamitin sa bakunahan ang mga pampubliko at pribadong ospital, rural health units, health facility ng iba pang ahensya ng gobyerno, private clinics, eskwelahan, barangay halls at mga open-air na mga establisyemento.
Dapat din anila tiyakin ng mga LGU ang sapat na vaccination workforce sa kanilang lugar.
Maaring isali sa vaccination workforce ang mga guro, pharmacist, medical at allied health professionals at mga intern at maging ang mga tauhan sa mga pribadong sektor.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, ang target na mabakunahan sa National Capital Region (NCR) sa susunod na buwan ay nasa 120,000 kada araw o 4 na milyon kada buwan.
Ito ay sa tulong ng mga pribadong sektor na nagsimula na ring mag-simulation exercise bilang paghahanda sa malawakang bakunahan sa Hunyo.
Hanggang Mayo 11, umabot na sa higit 7.7 milyong dosis ang dumating sa bansa mula sa iba’t ibang suppliers kabilang na ang COVAX Facility and 83% nito ay nai-distribute na sa 3,688 vaccination sites sa buong bansa.
Nasa 1.5 milyon nga na AsztraZeneca ang nakatakdang mag-expire sa mga susunod na buwan pero kumpiyansa si Sec. Año na walang masasayang na bakuna at magagamit ang mga ito bago pa man ang expiration date.
(BASAHIN: Duterte, wala pang posisyon ukol sa panukalang gawing mandatory ang COVID-19 vaccination)