HANGGANG ngayon nga’y masakit pa rin para sa tinaguriang “Solid 7” senators ang nangyaring pagpapalit ng liderato sa Senado kamakailan.
Ang “Solid 7” ay binubuo ng mga senador na ‘di pumabor na tanggalin si dating Senate President Juan Miguel Zubiri sa puwesto.
Kabilang dito sina Senador Nancy Binay, Loren Legarda, Win Gatchalian, JV Ejercito, Sonny Angara, at Joel Villanueva.
Sa kabila ng kanilang sama ng loob ay sinabi naman ni former Majority Floor Leader Sen. Villanueva na bukas ang kanilang pangkat para makipagdayalogo sa bagong Senate President na si Chiz Escudero.
Kasabay nito’y sinabi rin ng senador na apat sa kanila ay kinokonsidera nang umanib sa minority bloc ng Senado kung saan maaari silang magsilbi bilang karagdagang fiscalizer.
Una nang nagpahayag ng posibleng paglipat sina Senador Nancy Binay, JV Ejercito, at Migz Zubiri.
Iginiit naman ni Villanueva na panahon na para mag-move-on kasi pare-pareho naman silang nakakaintindi sa laro ng politika.
Pero binigyang-diin din niya na hindi biro ang sinabi ni Zubiri sa kaniyang speech na “powers that be” na aniya’y nasa likod ng kaniyang pagkakatanggal na siya ring nagluklok kay Sen. Chiz bilang Senate President.
“Sana let us move forward. It is what it is. We are all seasoned politicians. We know the name of the game. Hindi rin nangangapa o hindi rin tsismis ‘yung sinabi ni Senate President Migz Zubiri na may powers that be dahil may dalawang senador na nagsabi sa grupo namin na may tumawag sa kanila,” ayon kay Sen. Joel Villaneva, Former Majority Leader.
SP Chiz, hinikayat si Zubiri na huwag ibaba ang bandila ng Senado
Umapela naman si Senate President Chiz Escudero kay Zubiri na huwag ibaba ang bandila ng Senado kaugnay sa isyu ng umano’y pangingialam ng Malakanyang sa Senado.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Zubiri na may ibang puwersang nakialam kaya’t may pagpapalit ng liderato noong May 20, 2024.
“Sana bilang dating Senate President, itayo at huwag naman niyang ibaba ang bandila, ika nga, ng Senado sa pamamagitan ng pagsabi ng ganyan. Walang boto ang Malacañang sa 24 na botong meron sa Senado para maging Senate President [ang] sinuman,” ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, Senate President.
Muling iginiit ni Escudero na kakulangan o kawalan ng kumpiyansa ang nangyari sa liderato noon ni Zubiri. At kung paano naman ito nangyari ay may kaniya-kaniyang dahilan ang bawat senador.