ARESTADO ang apat na suspek mula sa ikinasang hot pursuit operations ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Oktubre 14 at 15, 2024.
Kinilala ang mga suspek na sina Albert Etang, Jaypee Ocampo, Jhon Christopher Ramirez, at Justin Mendoza.
Bukod sa krimen ng pagnanakaw, lumabag din ang mga ito sa gitna ng ipinatutupad na gun ban sa National Capital Region (NCR) habang isinasagawa ang Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction kung saan host ang Pilipinas.
Nagsimula ang nasabing gun ban nitong Oktubre 14 at tatagal hanggang Biyernes, Oktubre 18, 2024.
Narekober mula sa mga suspek ang isang .45 caliber pistol, .38 caliber revolver at mga nakaw na gamit kasama na ang isang cellphone.
Ayon sa NCRPO, naging madali lang ang pagtugis sa mga suspek sa tulong ng CCTV at pakikipag-ugnayan sa iba pang yunit ng pulisya.
Kasalukuyang nakadetine ang apat sa Kamuning Police Station kasabay ng babala sa publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na batas para maiwasan na makulong at maharap sa mga paglabag.
Kasalukuyan ding ipinatutupad ng NCRPO ang mahigpit na pagbabantay sa loose firearms kasunod ng pag-arangkada ng local elections sa bansa.