SUMUKO ang 40 dating miyembro ng communist terrorist group (CTG) sa Cagayan.
Pinuri ng Provincial & Municipal Task Force-End Local Communist Armed Conflict ng Sta. Teresita, Cagayan ang ginawang katapangan ng 40 dating miyembro at supporters ng CTG matapos na kanilang itinakwil ang organisasyon nito lang Hulyo 4, 2023.
Suportado naman ni Sta. Teresita Mayor Rodrigo de Gracia ang naging matapang na desisyon ng mga dating rebelde at sinabi na ang nasabing hakbang ang pinakamainam na desisyon na kanilang ginawa dahil magdudulot ito ng kapayapaan at magiging progresibo hindi lang ang kanilang bayan kundi maging ang buong lalawigan ng Cagayan.
Pinasalamatan din ng alkalde ang tropa ng 77th Infantry Battalion dahil sa kanilang walang sawang dedikasyon at pagsisikap na labanan ang insurhensiya kasama ang tropa ng Marine Battalion Landing Team 10 at Cagayan PNP.
Kaugnay rito nanumpa ang mga dating rebelde na buo na ang kanilang katapatan sa gobyerno at sa watawat ng bansang Pilipinas matapos na kanilang sinunog ang watawat ng CPP-NPA-NDF.