NAILIGTAS na ng Malaysian Embassy sa Phnom Penh ang 46 Malaysian national sa Cambodia matapos diumanong nalinlang ng job offers sa ibang bansa.
Batay sa paunang imbestigasyon, ilang Malaysian ang nananatiling stranded sa bansa matapos diumanong mabiktima ng job scam.
Ayon kay Malaysian Ambassador to Cambodia Eldeen Husaini Mohd Hashim, mayroong mahigit 60 kaso ng mga Malaysian ang sinasabing nabiktima ng mga job scam ang naghihintay ng karagdagang aksyon.
Ang modus ng sindikato ay mag-alok sa mga biktima ng mataas na suweldong trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng social networking sites.
Hinimok ni Eldeen ang mga Malaysian na maging maingat sa mga advertisement ng job recruitment na nangangako ng malaking sweldo sa ibang bansa at makipag-ugnayan sa kinauukulan kabilang ang embahada upang matiyak kung valid ang mga inaalok na trabaho.
Samantala, ang pinakahuli ay kinasasangkutan ng 4 na Malaysian na diumano ay niloko ng mga sindikato na nag-aalok ng mga trabahong may mataas na suweldo sa Cambodia.
Nakauwi ang 4 na nasa pagitan ng 29 at 41 at nakarating sa Kuala Lumpur International Airport (KLIA).
Nagpahayag din ng pasasalamat ang Malaysia Ambassador sa mga awtoridad ng Cambodia sa kooperasyon ng mga ito upang matulungan ang mga Malaysian na naging biktima ng job scam.