5 LTO enforcers na kumuyog sa isang magsasaka sa Panglao, Bohol, sibak na sa trabaho

5 LTO enforcers na kumuyog sa isang magsasaka sa Panglao, Bohol, sibak na sa trabaho

DIRETSAHAN ang naging pahayag ni Transportation Secretary Vince Dizon sa ginanap na press conference sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO).

Giit niya—walang puwang ang pang-aabuso sa serbisyo publiko, lalo na kung ang naaagrabyado ay ang maliliit at walang kalaban-labang mamamayan.

Ito ang tinuran ni Sec. Dizon matapos na mag-viral ang isang video na nagpapakita ng marahas na pag-aresto ng mga LTO enforcer mula Cebu habang nagsasagawa ng anti-colorum operations sa Panglao, Bohol.

Sa kumalat na video, sinasabing nakainom ang lalaki at may dalang kutsilyo. Pero giit ng biktima, siya ay isang magsasaka at gamit niya ito sa kaniyang hanapbuhay.

Dahil sa insidente, agad na inatasan ni Dizon si DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Non-Infrastructure Jojo Reyes na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa Panglao.

Ayon kay Asec. Reyes, nag-ugat ang komprontasyon nang magbigay ng matapang na pahayag ang biktima tungkol sa operasyon ng mga enforcer.

“Medyo malakas kasi ang pagka-deliver ng comment ni Sir Bert na bakit ang hinuhuli niyo lang ay mahihirap? Doon nagsimula,” wika ni Asec. Jojo Reyes, Road Transport and Non-Infrastructure, DOTr.

Pero punto ni Dizon, hindi ito sapat na dahilan para idaan sa dahas ang pag-aresto.

“I would like to announce on behalf of the Department of Transportation and the Land Transportation Office, effective today we will be dismissing the law enforcers involved in the incident in Panglao, Bohol.”

“Kung pisikal kang nilalabanan kung binunutan ka ng patalim o weapon ay ibang usapan ‘yun kailangan depensahan ng law enforcers ang kanilang sarili. Pero, kung salita lang, nasigawan ka lang o nataasan ka ng boses naman ay dapat namang medyo magpasensya tayo at magpaliwanag nang mabuti. Salita lang naman ‘yun eh, hindi ka naman masasaktan o mamamatay sa salita o kahit minura ka pa eh,” saad ni Sec. Vince Dizon, Department of Transportation.

Dahil sa pangyayaring ito, ipinag-utos ni Dizon ang pagbuo ng isang task force upang rebyuhin ang mga patakaran sa pagpapatupad ng batas ng LTO at LTFRB, dahil posibleng nagagamit na ito sa pang-aabuso.

Sa kabila ng insidenteng ito, tiniyak ng DOTr na hindi nito palalampasin ang anumang pag-abuso sa kapangyarihan, lalo na kung ang apektado ay ordinaryong mamamayan.

Kasabay nga ng pagsibak sa mga sangkot na enforcer, isang masusing rebyu sa polisiya at retraining ang isasagawa para aniya matiyak na hindi na mauulit pa ang ganitong insidente.

Sa huli, pananagutan at reporma ang dapat manaig sa anumang sektor ng serbisyo publiko.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble