502 mga tauhan ng BuCor, nagtapos bilang Corrections officers

502 mga tauhan ng BuCor, nagtapos bilang Corrections officers

PINANGUNAHAN ni BuCor Director General, General Gregorio Catapang Jr. ang graduation ceremony ng Corrections Officer Custodial Basic Course Class 21-2022 “Salig-Tala” sa Muntinlupa City.

May kabuuang 502 tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang sumailalim sa anim na buwang pagsasanay at nagtapos nitong Lunes, Nobyembre 6.

Ang mga nag-graduate ay may ranggong Corrections Officer 1 (CO1).

Sa ginanap na graduation ceremony sa headquarters ng BuCor sa Muntinlupa City, hinimok ni Catapang ang mga bagong graduate na tulungan siyang mapabuti ang imahe ng ahensiya.

Hinikayat din ni Catapang ang newly-graduates na gawing “relevant, sustainable, at respected” ang BuCor.

Inihayag pa ng BuCor na kumuha ito ng 528 bagong CO1 personnel na manumpa sa kanilang panunungkulan sa Nobyembre 7.

Mga nagtapos na Corrections officer, pinayuhang ‘wag magpa-impluwensiya sa korapsiyon, droga, at karahasan

Sa kabilang banda, hinimok naman ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Deo Marco ang mga bagong nagtapos na huwag tumulad sa iba na nagpapa-impluwensiya sa masasamang bagay katulad ng kurapsiyon, droga, at karahasan.

Pinaalalahanan ni Marco ang mga bagong nagsipagtapos na magsilbing huwaran at suportahan ang kawanihan sa mga pagsisikap nito.

Samantala, ibinahagi ni Catapang ang ilan sa programa ng BuCor kasama rito ang regionalization ng mga bilangguan.

Aniya, naghahanap na sila ng lupa sa Regions 3, 4A, at iba pang lugar.

Sinabi naman ni Marco sa kaniyang talumpati na kabilang din sa isinusulong na programa sa BuCor ang pag-digitize ng prison records at iba pang reformation program proposals na inilatag sa House of Representatives.

Ang seremonya ay dinaluhan ni Justice Undersecretary Deo Marco bilang panauhing pandangal sa ngalan ni Secretary Jesus Crispin Remulla.

Kasama rin sa nasabing event sina BuCor Assistant Secretary Gil Torralba, DOJ Assistant Secretary Francis John Tejano, at iba pang opisyal.

Sa pagtatapos ng kick-off ceremony, highlight ang ribbon cutting at opening ng BuCor Bazaar.

Ang mga maliliit na booth na ito ay pinangasiwaan at pinamahalaan ng iba’t ibang direktorat at tanggapan ng national headquarters, na naglalahad ng iba’t ibang produkto na ginawa ng PDL, habang ang iba pang mga produkto ay mga inisyatiba ng mga empleyado.

Mababatid na ipinagdiriwang ng BuCor ang kanilang 118th Founding Anniversary na may temang, “Bagong BuCor sa Bagong Pilipinas”.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter