UMABOT sa 546 na mga bilanggo at 68 tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Navotas City ang sumailalim sa random drug test, base sa kautusan ni Mayor John Rey Tiangco.
Nakatanggap kasi ng impormasyon ang alkalde mula sa ilang concerned citizen na talamak ang bentahan ng ilegal na droga sa nasabing piitan.
Sinabi ni Tiangco na pitong PDLs ang nagpositibo sa marijuana kung saan apat ang matagal nang nasa BJMP Navotas habang tatlo naman ang bagong pasok.
Dahil diyan ay iniutos na ilipat muna sa ibang pasilidad ang mga nagpositibo at mahaharap sila sa kaso pero ang lahat ng BJMP personnel ay negatibo sa resulta ng drug test.
Gayunman ay pinaiimbestigahan na ni Mayor Tiangco kung paanong nakakapasok ang ilegal na droga sa BJMP-Navotas at nangakong pananagutin sa batas ang mga kasabwat dito.