NAWAWALA ang anim na dayuhang hiker matapos maglakad sa isang tanyag na trail sa Valencia, Negros Oriental noong Marso 19, 2025, ayon sa lokal na pamahalaan nitong Biyernes, Marso 21.
Kinilala ang mga nawawala na si Alexander Radvanyi, isang British; mga German na sina Torsten Martin Groschupp, Alwin Fink, at isang kinilalang ‘Wolfgang’; isang ‘Terry’ na Canadian; at Anton Chernov na isang Russian.
Ayon kay Police Lt. Stephen Polinar, hindi na bumalik sa kanilang tinutuluyang bahay ang grupo matapos mag-hiking sa Twin Lakes Trail.
Humihingi ngayon ng tulong ang pamilya ng mga nawawala sa mga kinauukulan upang mahanap sila at ligtas na maibalik.
Patuloy naman ang paghahanap ng Local Risk Reduction and Management Offices ng Valencia at Sibulan katuwang ang iba’t ibang organisasyon.