HANDA na ngayong tumulong at makiisa sa kampanya laban sa insurhensiya ng pamahalaan ang anim na sumukong miyembro ng communist terrorist group (CTGs) o NPA mula sa Cagayan, Isabela, at Apayao.
Ayon kay alyas Bladdy na isang dating kumander sa ilalim ng West Front Committee ng Komiteng Probinsiya Cagayan, Komiteng Rehiyon Cagayan Valley, sinabi nito na nakahanda silang maging bahagi ng kampanya laban sa dati nilang kinabibilangang grupo na nagbigay sa kanila ng maling kaisipan patungkol sa gobyerno.
Ginawa nito ang nasabing pahayag matapos na tinanggap ang insentibo mula sa gobyerno na pinangunahan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. kasabay ang pagkondina ng anim na dating rebelde ang prinsipyo at gawain ng CTG.
Samantala, hindi naman inaasahan ni alyas Bladdy na makatatanggap sila ng ganon kalaking pera mula sa pamahalaan na labis naman nilang pinasalamatan.
Dahil dito sinabi ng dating NPA leader na patunay ito na ang gobyerno ang tunay na nagpapahalaga at nagbibigay respeto sa kanila kahit pa man sila ay nagkamali, at noo’y lumaban sa pamahalaan.
Kung matatandaan, nakatanggap ang anim ng tig-500,000 pisong insentibo, kasama pa ang P1-M reward sa isang informant para sa pagsuko ng isang dating NPA leader.