NAGHAIN ng not guilty plea ang anim na akusado sa pagkawala ng anim na missing na sabungero sa Manila Arena.
Natuloy Huwebes ng hapon ang arraignment at pre-trial ng Manila RTC Branch 40 laban sa anim na akusado sa pagkawala ng anim na sabungero sa Manila Arena noong Enero 2022.
Sila ay nahaharap sa anim na bilang ng kasong kidnapping at serious illegal detention.
Online ang ginawang pagharap ng mga akusado at naghain ang mga ito ng ‘not guilty plea’ ayon sa DOJ National Prosecutions Services.
Nagsumite rin ang mga ito ng ‘petition for bail’ para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Sa Oktubre 10, 12 at Nobyembre 6 ang schedule ng pagdinig kung saan magprepresenta ang prosekusyon ng mga ebidensiya.
Sa Oktubre 10, alas tres ng hapon, isa sa mga didinggin ay ang petisyon ng mga akusado.
Ayon sa DOJ prosecutors, mayroong silang 23 nang hawak na testigo kung saan dalawa o tatlo dito ay ihaharap nila sa Oktubre 10.
Matatandaang ang anim na akusado ay naaaresto ng PNP CIDG Region 4A sa kanilang mga bahay sa Parañaque City noong Setyembre 15, 1:45 ng hapon.
Ang anim na ito ay mga security personnel sa Manila Arena at kinilala ng PNP na sina Julie A. Patidongon alias “Dondon,” 45; Mark Carlo Zabala, 29; Roberto G. Matillano Jr., 54; Johnry R. Consolacion, 33; Virgilio P. Bayog, 44; and Gleer Codilla alias Gler Cudilla.