6 opisyal ng BOC, sinibak sa pwesto sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y sugar smuggling sa Subic

6 opisyal ng BOC, sinibak sa pwesto sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y sugar smuggling sa Subic

SINIBAK sa pwesto ang anim na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) partikular sa Port of Subic na hinihinalang sangkot sa smuggling ng asukal.

Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang pulong balitaan sa Malakanyang ngayong araw.

May kaugnayan ang naturang usapin sa nagpapatuloy na imbestigasyon patungkol sa narekober kamakailan na mga smuggled sugar sa nasabing pantalan.

Kabilang sa sinibak sa pwesto ay sina:

  1. Maritess Theodossis Martin, District Collector
  2. Maita Sering Acevedo, Deputy Collector for Assessment
  3. Giovanni Ferdinand Aguillon Leynes, Deputy Collector for Operations; Belinda Fernando Lim, Chief of Assessment Division
  4. Vincent Mark Solamin Malasmas, Enforcement Security Service (ESS) Commander
  5. Justice Roman Silvoza Geli, CIIS Supervisor

Saysay pa ni Cruz-Angeles, pansamantalang inilipat ang mga nabanggit na opisyal sa Office of the Commissioner habang sasailalim sa imbestigasyon ang mga ito.

Batay na rin ito sa Office Order na may petsang August 22 na inilabas ni Acting BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Sinabi pa ng Press Secretary na kapag napatunayang sangkot ang nabanggit na port officials sa sugar smuggling ay tuluyan na silang masisibak sa BOC.

Kung maalala, noong Agosto 18, may nagtangkang ipuslit ang 140,000 bags ng imported sugar mula Thailand, na katumbas ng 7,000 metric tons doon sa Port of Subic.

Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), ginamit umano ang recycled permit para sa pag-iimport ng mga asukal.

Samantala, nagsagawa ng sorpresang pag-iinspeksyon ang mga awtoridad sa mga bodega sa Cagayan de Oro na pinaghihinalaang may hoarding o nag-iimbak ng asukal.

Ayon sa Office of the Press Secretary, ginamit ng mga operatiba ng BOC ang kanilang visitorial powers sa isang bodega na pag-aari ng Crystal Sugar Milling Inc. sa North Poblacion ng lungsod.

Isinagawa ang operasyon makaraang makatanggap ng intelligence report ang mga awtoridad na sangkot umano sa hoarding ng asukal ang may-ari.

Una nang inihayag ng Malakanyang na ang BOC kasama ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay nagpapatuloy sa isinasagawang operasyon at pagsalakay sa mga sugar warehouses sa bansa.

Ang naturang hakbang ng pamahalaan ay bilang pagtalima sa pinaigting na kampanya nito laban sa illegal na importasyon ng mga agricultural products.

 

Follow SMNI News on Twitter