MAGBIGAY ng inspirasyon ang hangad ng 69-years old na fashion designer na si Jocelyn Cubales kasunod sa kaniyang desisyon na sumali sa Miss Universe Philippines-Quezon City (MUPH-QC).
Sa isang post, sinabi ng MUPH-QC na naniniwala si Cubales na maraming matutunan ang younger generation mula sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang mga naranasan sa buhay.
Ayon pa sa asawa ni Cubales, layunin din ng 69-years old na fashion designer ang bigyang-diin sa lahat na walang hadlang sa pagkamit ng mga nais o mga pangarap sa buhay.
Matatandaang tinanggal na ng Miss Universe Organization ang age limit para sa kompetisyon kung kaya’t sinamantala na ni Cubales ang pagkakataon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sumali si Cubales sa isang beauty pageant.
Taong 2017 ay una itong sumali bilang Mrs. South Asia para sa Mrs. Universe noong 2017 kung saan tinanghal siya bilang “Mother of the Universe”.
Gaganapin ang MUPH-QC sa Pebrero 5, 2024.
Kung masungkit ni Cubales ang korona, siya ang magiging kinatawan ng Quezon City sa Miss Universe Philippines 2024.