7 barko ng PCG, nakahanda sa pagresponde sa posibleng epekto ng Bagyong Ofel

7 barko ng PCG, nakahanda sa pagresponde sa posibleng epekto ng Bagyong Ofel

PUSPUSAN ang paghahanda ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa pagresponde sa posibleng epekto ng Bagyong Ofel.

Ayon kay PCG Deputy Spokesperson Lieutenant Commander (LCDR) Michael John Encina, nakikipag-ugnayan na rin sila sa ilang ahensiya gaya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) pati sa mga local government unit (LGUs).

Pinayuhan naman ng PCG ang nasa coastal communities lalo na ang mga mangingisda na huwag pumalaot kapag may sama ng panahon.

“Iwasan po ang magbiyahe gamit po ang ating mga sasakyang pandagat, iwasan din po natin ang mag-venture out for fishing,” ani LCDR Michael John Encina, Deputy Spokesperson, PCG.

Siniguro naman ni Encina na nakahanda ang 7 barko ng PCG para sa pagresponde sa posibleng epekto ng Bagyong Ofel.

Patuloy naman ang panawagan ng PCG sa publiko na maging mapagmatyag sa ganitong panahon.

Samantala, sinabi ni Encina na nakapagsimula na rin sila sa relief operation katuwang ang mga coast guard auxiliary na tumutulong para makalikom ng relief goods para sa mga nasalanta ng bagyo.

“Para po eventually, after po na matapos at makaraan na po itong mga bagyong ito, makapag-proceed na rin po safely ang ating mga barko; handa po tayong mag-provide ng relief operation,” dagdag ni Encina.

Samantala, kaugnay ng Bagyong Nika, inihayag ng opisyal na wala nang naitalang na-stranded na mga pasahero sa mga pantalan.

Mga tauhan ng DSWD-MIMAROPA, nakatalaga na sa iba’t ibang munisipyo ng rehiyon

Sa kabilang dako, inihayag ng DSWD-MIMAROPA na mayroon nang nakatalaga na kanilang mga tauhan sa iba’t ibang munisipyo ng rehiyon.

Sinabi ni DSWD-MIMAROPA Regional Director Leon Reynoso na ang mga ito ay manggagawa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Sustainable Livelihood Program (SLP).

Sa mga nakaraang Bagyong Kristine at Leon, ani Reynoso, walang na-deploy na DSWD personnel mula sa field office kundi kung sino lang ang mga naka-assign na sa mga munisipyo.

“Sila po iyong tumulong sa ating mga local government units sa pamamagitan po ng mga Municipal Social Welfare and Development Office,” ayon kay Dir. Leon Reynoso, Regional Director, DSWD-MIMAROPA.

Sa kasalukuyan, mayroong 97,000 family food packs sa mga warehouse sa MIMAROPA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble