73-M Pilipino, may sirang ngipin—DOH

73-M Pilipino, may sirang ngipin—DOH

TINATAYANG nasa 73 milyong Pilipino ang sira ang ngipin at halos kalahati ng mga ito ay hindi pa nakakakita ng dentista sa buhay nila.

Kaya naman itinuturing ng Department of Health (DOH) na isang silent epidemic ang sakit na ito.

Isa sa mga nakikitang dahilan ng DOH kung bakit mataas ang bilang ng mga Pilipino na mayroong sira ang ngipin ay ang kakulangan sa impormasyon upang mapangalagaan ang kanilang ngipin.

Ayon kay Dr. Manuel Vallesteros, chief ng Child Adolescent and Maternal Health Division, Disease Prevention and Control Bureau, ng DOH na bahagi ng pangkalahatang pangkalusugan ng isang tao ang oral health at dapat lang itong seryosohin.

Dagdag ni Dr. Vallesteros na sa 73 milyong mga Pilipinong may sira ang ngipin, 50 percent nito ang may sakit sa gilagid, 40 percent naman ang hindi pa nakapagpacheck up sa dentista.

Kaya target ng DOH na magkaroon ng isang dentista sa bawat munisipyo sa bansa.

Aminado si Dr. Vallesteros na nasa siyudad ang karamihan sa mga dentista at walang access ang mga Pilipinong naninirahan sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).

8 sa 10 bata sa Pilipinas sira ang ngipin—DOH

Dagdag din ni Dr. Vallesteros na nakakaalarma ang mataas na bilang ng mga batang mag-aaral sa Pilipinas na sira ang ngipin.

Batay sa datos ng DOH noong 2018, nasa 8 sa 10 bata ang sira ang ngipin.

Pero ano nga ba ang dahilan kung bakit nasisira ang ngipin ng mga bata?

Bilang ng mga batang may sirang ngipin sa Pilipinas, pinakamataas sa buong mundo—WHO

Pagtataka naman ni Issa Castro, nanay ni Zia, na maganda naman ang ngipin ng kaniyang anak mula nang maliit pa ito; ngunit napansin niyang nagsimulang masira ang ngipin nito nang tumuntong ng 3 years old.

Ayon kay Dr. Vallesteros ang Pilipinas ang nangunguna sa may pinakamataas na bilang ng mga batang may sira ang ngipin ayon sa World Health Organization.

Kaya payo ni Dr. Vallesteros simulan ng mga magulang na mapangalagaan ang oral health simula sa pagbubuntis ng mga nanay.

Hindi man maituturing na communicable disease ang sirang ngipin pero maaaring maipasa ng mga nanay ang microogranism na siyang magdudulot upang masira din ang ngipin ng mga bata.

Binigyang-diin ng DOH ang kahalagahan na baguhin ang kultura ng mga Pilipino sa bunot at pasta at tutukan ang mga kapamaraanan para mapangalagaang malusog ang ngipin ng mga Pilipino.

Kaya naman isinusulong ng DOH ang 7 gabay sa pagsisipilyo.

7 Gabay sa Pagsisipilyo

  1. Tingnan kung tama ang fluoride content ng toothpaste na gamit mo. (6 mos – 3 years old | 1000ppm) (4 years old pataas | 1500 ppm)
  2. Maglagay ng tamang dami ng toothpaste sa sipilyo.
  3. Sipilyuhin ang ngipin ng paikut-ikot
  4. Magsipilyo ng dalawang minuto
  5. Pagkatapos magsipilyo, huwag magmumog, dumura lamang.
  6. Magsipilyo sa umaga at gabi.
  7. Magsipilyo bago matulog sa gabi. Pagkatapos nito, huwag nang kumain o uminom ng gatas.

Sa kabila nito, dagdag ng DOH hindi sapat ang pagtu-toothbrush lang para maiwasan ang pagkasira ng ngipin.

Dapat maliban sa gawin ang gabay sa pagsisipilyo, dapat ay iwasan din ang pagkain ng matatamis, softdrinks, juice at iba pang sanhi ng pagkasira ng ngipin.

Ayon kay Dr. Vallesteros kung hindi maiwasan ang pagkain at pag-inom ng matatamis ay dapat sundan agad ito ng pag-inom ng tubig.

Iminumungkahi rin ni Dr. Vallesteros na sundan ng Pilipinas ang programa ng Japan sa pangangalaga ng ngipin.

Target kasi ng Japan and 80-20 o ang pagsapit ng edad na 80 ay dapat may 20 ngipin pang natitira.

Binigyang-diin ni Dr. Vallesteros na nakakabit sa maganda at malusog na ngipin ang magandang kalidad ng pamumuhay at pagkakaroon ng mabuting nutrisyon sa katawan.

‘Prevention is better than cure’.

Kaya payo ng mga eksperto na bigyang halaga ng mga Pilipino ang pangangalaga ng kanilang mga ngipin.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter