78K katao apektado ng malawakang pagbaha sa Maguindanao del Sur

78K katao apektado ng malawakang pagbaha sa Maguindanao del Sur

AABOT sa mahigit 78,000 katao ang apektado ngayon ng matinding pagbaha sa Maguindanao del Sur dahil sa walang tigil na pag-ulan mula pa noong Mayo 14. Base iyan sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Mayo 17.

Batay sa ulat, apektado ang 47 barangay sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Datu Saudi Ampatuan, Shariff Aguak, at Shariff Saydona Mustapha.

Ang mga lugar na binaha ay matatagpuan sa paligid ng 200,000 ektaryang Ligawasan Marsh na iniimbakan ng tubig mula sa kabundukan ng Bukidnon at Sultan Kudarat.

Ayon sa mga opisyal, ang paulit-ulit na pagbaha ay dulot ng sobrang latak o silt sa marsh at mga ilog na konektado rito, na nagiging sanhi ng pag-apaw ng tubig tuwing bumabagsak ang malakas na ulan.

Nasira din ang isang tulay na yari sa kahoy sa Brgy. Bagumbong, Mamasapano, na nakaapekto sa paggalaw ng mga tao sa lugar.

Hindi rin nakaligtas sa hagupit ng baha ang daan-daang ektaryang taniman ng mais, palay, mani, at iba pang pananim sa Sitio Talisawa, Datu Abdullah Sangki.

Pinakamaraming apektado ay mula sa bayan ng Ampatuan, na may higit 24,000 katao ang naninirahan doon.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ng NDRRMC ang napaulat na may tatlong bahay na nasira sa isang landslide sa lugar.

Patuloy rin ang beripikasyon sa halaga ng pinsala sa imprastruktura at agrikultura sa mga nasalantang bayan.

Samantala, nagsagawa naman ang Office of Civil Defense at BARMM, katuwang ang mga militar, ng isang aerial survey upang masuri ang lawak ng pinsala sa mga apektadong lugar.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble