8 akusado sa Percy Lapid, Jun Villamor case, naghain ng guilty plea

8 akusado sa Percy Lapid, Jun Villamor case, naghain ng guilty plea

NAGHAIN ng guilty plea ang walong akusado sa pagpatay sa Bilibid inmate na si Jun Villamor sa kanilang arraignment sa Muntinlupa RTC Branch 206.

Si Villamor ang diumano’y middleman sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ang mga akusadong persons deprived of liberty (PDL) na sina Mario Alvarez, Christian Ramac alyas “Jokon”, Ricky Salgado alyas “Lupin,” Ronnie dela Cruz alyas “Barok,” at Joel Reyes alyas “Puppet” ay naghain ng guilty plea bilang “accomplice of crime of murder,” habang “accessory to the crime of murder” ang PDLs na sina Alvin Labra, Aldrin Galicia, at Joseph Georfo.

Ayon sa DOJ, ang paghain ng guilty plea ay nangangahulugan ng kanilang pag-amin sa kanilang partisipasyon sa krimen, bagay na paborable para sa prosekusyon.

Magpapalakas din ito sa kaso para sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ayon sa korte, napatunayan ng prosekusyon na guilty beyond reasonable doubt ang mga akusado dahil sa paghahain nila ng guilty plea.

“Considering the pleas of guilty of the present accused, the prosecution was able to prove the guilt of all the accused present beyond a reasonable doubt,” ayon sa Muntinlupa RTC Branch 206.

Ang paghahain nila ng guilty plea ay may mababang sentensiya.

6 na taon hanggang 14 na taon na pagkakakulong ang hinatol kina sina Alvarez, Ramac, Salgado, Dela Cruz at Reyes.

Pinagbabayad din sila ng danyos.

Habang sina Labra, Galicia at Georfo ay 2-taon hanggang 8-taon kulong.

Inatasan din ng korte ang National Bureau of Investigation (NBI) na ilipat sila Galicia, Alvarez, Ramac, Salgado, Dela Cruz at Reyes sa New Bilibid Prison.

Samantala, ipinag-utos naman ng korte na i-archive na muna ang kasong murder laban kina dating Bureau of Corrections (BuCor) Dir. Gen. Gerald Bantag, at dating BuCor Deputy Security Office Ricardo Zulueta.

Ito ay dahil sa hindi pa naaaresto sina Bantag at Zulueta.

Sa kabila nito “subject to revival” pa rin o bubuhayin ang kaso sa oras na naaresto na ang dalawa.

“Considering the other accused in this case, accused DG Gerald Bantag y Quitaleg and CT/SSupt. Ricardo Zulueta Soriano are not yet arrested. Let this case be sent to the archive subject to revival upon the arrest of the said accused,” pahayag ng Muntinlupa RTC Branch 206.

Ang desisyon ng korte, hindi naman kinontra ng DOJ.

Sakali umano na hindi to ma-archieve ay maapektuhan naman ang performance ng korte.

Samantala, patuloy pa rin ang manhunt operation ng mga awtoridad laban kina Bantag at Zulueta para sila ay madakip.

3-M ang halaga ng reward money na ibinibigay ng DOJ para sa makapagbibigay ng impormasyon sa lokasyon ng dalawa.

Sa ngayon ay mayroon nang impormasyon na natatanggap ang DOJ na subject for validation.

Nakabantay naman aniya ngayon ang mga awtoridad sakaling tatakas sina Bantag at Zulueta.

Follow SMNI NEWS in Twitter