841 paaralan lalahok sa pilot run ng revised SHS curriculum sa SY 2025-2026

841 paaralan lalahok sa pilot run ng revised SHS curriculum sa SY 2025-2026

KINUMPIRMA ng Department of Education (DepEd) na mahigit 800 paaralan sa buong bansa ang sasailalim sa pilot implementation ng revised Senior High School curriculum sa darating na School Year 2025-2026.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, ipinaliwanag ni Education Undersecretary Wilfredo Cabral na 727 paaralan ang unang naitalang “highly ready” o may sapat na kapasidad at kahandaan upang ipatupad ang bagong kurikulum.

Ngunit upang mas maging inklusibo at komprehensibo ang ebalwasyon, isinama na rin sa listahan ang mga “moderately ready” na pribadong paaralan at yaong mula sa mga rural na lugar, alinsunod sa mungkahi ng Senate Committee on Basic Education.

“Nag-increase, Mr. Chair, because we looked at the moderately ready so that we can have several more schools implementing the senior high school from the rural and the urban, so that we can address more issues as we do the pilot and the study as well,” ayon kay Usec. Wilfredo Cabral, Department of Education.

Dahil dito, umabot na sa 841 ang kabuuang bilang ng mga pilot schools.

Ayon pa kay Cabral, ang 841 pilot schools ay katumbas ng 6.60% ng kabuuang 12,739 SHS schools sa bansa.

Sa bilang na ito, 580 ay pampublikong paaralan at 261 ay pribado. 806 naman sa mga ito ay mula sa urban areas, habang 35 ay nasa rural areas.

Kabilang sa mga naging batayan sa pagpili ng mga kalahok na paaralan ay ang laki ng paaralan, lokasyon, mga kursong inaalok, uri ng pamamahala, at kung ang paaralan ay stand-alone o bahagi ng integrated school system.

Kapag nagsimula na ang pilot implementation, tiniyak ng DepEd na magsasagawa ito ng masusing monitoring sa lahat ng antas ng pamahalaan.

Nakipagtulungan na rin ang ahensiya sa Philippine Institute for Development Studies para sa disenyo at pagsasagawa ng isang evaluative study, na layong tukuyin ang mga tagumpay at hamon ng revised curriculum habang ito ay ipinatutupad.

Magsisimula rin ang intensive training para sa mga guro mula sa Mayo 25 hanggang Hunyo 7 para tiyaking sapat ang kanilang kaalaman at kakayahan sa bagong content at methodologies.

“We will be training of course for the TechPro, for agriculture, fisheries, and arts. We’ll also be having training for the core subjects, and we’ll also be training our school heads so that they can be ready on the implementation,” saad ni Usec. Wilfredo Cabral, Department of Education.

Noong nakaraang buwan, nagbukas ang DepEd ng online public consultation para sa revised curriculum upang makalikom ng opinyon mula sa iba’t ibang sektor hinggil sa bagong Grade 11 at 12 curriculum guides.

Isa sa mga pangunahing pagbabago sa revised curriculum ay ang pagbawas ng core subjects mula sa dating labinlima kada semester. Ngayon, limang bagong asignatura na ang ituturo sa buong taon ng Grade 11.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble