SA ilalim ng bagong pamunuan ng liderato ng Peace Prize International, muli nitong iginiit ang pagpapahalaga ng pagkakaisa at kapayapaan sa sangkatauhan.
Bukod dito ay ang pagkilala sa mga indibidwal at grupo na nagsisilbing inspirasyon sa kapwa sa anumang larangan.
Sa ilalim ng tradisyon ng Gusi Peace Prize International, muling nagpalit ng bagong pangulo ang organisasyon sa mas malago at makabuluhang pagtataguyod ng adbokasiya para sa kapayapaan at pagkakaisa ng mga bansa hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo.
Itinalaga ang Saudi Arabian General na si Mohamad Aljuhani, bilang bagong pinuno ng Gusi Peace Prize International.
Sa kanyang pamunuan, isa sa mga nais nitong maitaguyod ang mas malawak na ugnayan ng lahat ng bansa hindi lang sa Asya kundi maging sa buong mundo.
Partikular na sa usapin ng kapayapaan, na isa sa mga prayoridad ng organisasyon.
Ang Gusi Peace Prize International ay naging tulay na rin ng maraming indibidwal at grupo sa iba’t ibang panig ng mundo na may hangaring maging inspirasyon mula sa iba’t ibang larangan, gaya ng edukasyon, medisina, military, entertainment at larangan ng pagkakaisa at kapayapaan.
Ayon sa chairman ng organisasyon, hindi naging madali ang kanilang pagsisimula.
Pero nakita nila ang puso ng bawat Pilipino at mamamayan sa buong mundo na may malasakit sa kapwa, may takot sa Diyos at pagmamahal sa bawat nilang bansa.
Sa bawat larangan na kanilang kinabibilangan, importante aniya na maipamalas ng lahat ang pagtutulungan para iangat ang matagumpay na pagkakaisa ng lahat ng bansa.
Sa katunayan, ang Gusi Peace Prize International ng Asya ay katumbas ng Nobel Peace Prize ng Norway.
Sa loob ng mahigit 3 dekada, naging batayan ang kanilang organisasyon sa pagkilala sa mga natatanging tao, kumpanya, adbokasiya at mga bansa na nagdulot ng malaking kontribusyon sa tagumpay ng lahat.