NAIS magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga senador sa panibagong insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) tungkol sa isang private plane na umano’y ginagamit para sa human trafficking.
Ginawa ng mga mambabatas ang naturang panawagan kasunod sa ibinunyag ni Senator Grace Poe sa kaniyang privilege speech.
Ayon kay Poe nakatanggap ang Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (ASG) ng anonymous tip kaugnay sa human trafficking activity sangkot ang isang aircraft na may tail number N9527E na nakatakda sanang umalis ng bansa noong Pebrero 13 sa NAIA patungong Dubai.
Ayon sa anonymous information, matapos makumpirma ang naturang scheduled flight tanging anim na pasahero lamang ang idineklarang sakay subalit 14 pala ang pasaherong laman dito.
Ang nasabing aircraft ay napaulat na inooperate ng isang Cloud Nine No. 1 Leasing Company Ltd., isang Hong Kong registered leasing company at ang kanilang assigned ground handler ay isang local company na tinatawag na Globan Aviation Service Corporation (Globan).
Kinondena naman ni Senate President Migz Zubiri ang naturang gawain at umapela ng imbestigasyon sa Senate Blue Ribbon Committee laban sa corrupt government officials na sangkot sa insidente.