UPANG higit na magawa ang mandato ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya nito laban sa kriminalidad at iligal na droga sa bansa, iminungkahi mismo ng ahensiya sa Kongreso na ibalik na ang kota ng PNP recruits kada taon.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang PNP sa kanilang presentasyon sa mga ginagawa nito sa ilalim ng kanilang mandato.
Pero sa kabila ng mga agresibong hakbang upang tugunan ang mga problema ng kriminalidad sa bansa, aminado ang PNP na marami pa rin silang kulang.
Ito ang resulta ng pakikipagpulong ni Chief PNP PGen. Rodolfo Azurin, Jr. kay House Speaker Martin Romualdez.
Sa panayam ng SMNI sa tagapagsalita ng Pambansang Pulisya na si Col. Jean Fajardo, sinabi nitong malaking bagay ang malaking bilang ng tauhan sa kanilang hanay para sa magampan nito ang tungkulin sa mga komunidad sa bansa.
“Nabanggit po ng ating Chief PNP ‘yung ating pakiusap na sana po ay maibalik po ‘yung recruitment qouta ng Philippine National Police na dati po kasi ay nasa sampung libo kada taon ‘yung ating recruitment qouta dahil sa mga nagdaang taon po ay bumaba po ang ‘yan, particularly ngayong taon ay nasa one thousand po ‘yung binigay sa atin na qouta dahil nagdi-depende po ‘yan sa budget,” saad ni Col. Jean Fajardo, spokesperson, PNP.
Naniniwala ang PNP na hindi biro ang maliit nilang bilang kumpara sa malaking populasyon ng bansa na kailangang bantayan at siguruhing ligtas ang mamamayan sa anumang oras.
Sa katunayan, aminado ang PNP na malaki ring hamon sa kanilang hanay ang usapin ng cyber-crime related incidents na mahirap hanapan ng solusyon dahil sa kakulangan ng mga makabagong kagamitan.
“Just can’t imagine, nasa around 227,000 lamang ang kabuoan ng PNP and we are more than one hundred million total population ng ating bansa at maliban po diyan ay ang ating pong pakiusap na masuportahan ng ating mga Lehislatura ang ating pagpu-push na madagdagan po ‘yung budget nga po ng PNP para mapakapag-procure po tayo ng mga kinakailangang equipment and technology kagaya po ng drone at ‘yung mga equipment to combat nga po ‘yung cyber related crimes, katulad nga po sa mga kaso po na ito na nahihirapan po tayo dahil wala po tayong capability na mga equipment para po mas madaling ma-enhance po ‘yung mga nakukuha po nating specific footages na alam na malaki po ang maitutulong sa pagri-resolba po ng mga kaso,” saad ni Fajardo.
Batay sa ulat ng Chief PNP, nangako ang pinuno ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na gagawin nito ang lahat na matulungan ang kapulisan na mapaganda pa ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng tamang pondo at suporta ng gobyerno.
“Doon naman po sa priority bills ay nag-commit naman po ‘yung ating Speaker na siya po ang kakausap doon sa ating mga mambabatas para mabilis itong mga priority bills na isinusulong PPO ng PNP at umaasa po nga tayo, particularly ito pong mga organizational structure and in case of budget ay mapagbigyan po tayo ngayong taon po,” ani Fajardo.
Bagamat sa kabila ng ilang kakulangan, patuloy pa ring nagsisikap ang kapulisan na mapanatiling matatag sa lahat ng hamon lalot kaliwa’t kanang mga insidente ng kriminalidad ang kinakaharap sa bansa.
Sa katunayan, nito lamang Lunes nang ipinakita ng PNP ang kanilang bagong anti-criminality assets mula sa mga baril, handheld radio, motorsiklo, personnel carrier at high speed tactical watercraft, na inaasahang magiging katuwang sa peace and order ng bansa.
Nauna nang sinabi ni Gen. Azurin, na walang dapat na ipangamba ang publiko mula sa mga sari-saring krimen na naitatala hanggat may imbestigasyon rito kasabay ng pagtitiyak na mapapanagot ang sinumang lumalabag sa batas.