MULI na namang kinilala ang ganda ng Pilipinas sa larangan ng diving.
Sa ginanap na Diving, Resort, and Travel Show sa Malaysia, pinarangalan ang bansa bilang Best Dive Destination.
Naungusan ng Pilipinas ang iba pang bansa tulad ng Malaysia, Indonesia, Japan, at Maldives.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na sila ay nakakakuha ng malaking inspirasyon mula sa diving communities at mga stakeholder habang ipagpapatuloy na tiyakin hindi lamang ang marketability ng mga diving destination pero maging ang sustainability ng mga ito.
“We take great inspiration from our diving communities and dive stakeholders as we continue the collaborative work of ensuring not only the marketability but also the sustainability of our destinations,” saad ni Sec. Christina Garcia-Frasco, Department of Tourism.
Dagdag pa ni Frasco na kanilang ipagpapatuloy ang pagsisikap nitong paunlarin at isulong ang Pilipinas bilang isang perpektong destinasyon para sa lahat ng mga turista at pagandahin ang kanilang karanasan sa bansa.
Ginawaran din ang Pilipinas bilang World’s Leading Dive Destination noong 2022.
Ngayong taon naman ay muling dedepensahan ng bansa ang titulo nito bilang Asia’s Leading Dive Destination sa prestihiyosong World Travel Awards.
Ang nasabing titulo ay hawak ng bansa sa loob ng apat na taon mula 2019 hanggang 2022.
Pilipinas at ilang sikat na tourist destination sa bansa, nominado sa World Travel Awards
Maliban dito, nominado rin ang Intramuros bilang Asia’s Leading Tourist Attraction at ang Cebu bilang Asia’s Leading Wedding Destination sa WTA.
Didipensahan din ng Pilipinas ang titulo nito bilang Asia’s Leading Beach Destination.
Kasama rin sa nominasyon ng Asia’s Leading Tourist Board ang Department of Tourism.