Sen. Alan Cayetano nanawagan sa PNP na aksyunan ang serye ng pamamaril at pagpatay sa local officials

Sen. Alan Cayetano nanawagan sa PNP na aksyunan ang serye ng pamamaril at pagpatay sa local officials

MARIING hinimok ni Senator Alan Peter Cayetano at 15 iba pang senador ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na tugunan ang serye ng mga pag-atake laban sa mga local government official.

Ginawa ang panawagan, araw ng Lunes matapos ipinagtibay ng Senado ang Resolution No. 517 na nanawagan sa pagkondena sa pagkakapatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ikinalungkot ng mga senador na sa loob lamang ng 15 araw — mula February 17 hanggang March 4 ngayong taon — dalawang mga local executive at 17 sibilyan na ang napatay ng mga armadong lalaki, dalawa naman ang sugatan.

Binigyang-diin ng mga senador ang pangangailangang hulihin agad ang mga kriminal hindi lamang para sa mga biktima at kanilang pamilya kundi para matiyak na pinapairal ang batas sa lahat ng pagkakataon para sa isang maayos at mapayapang lipunan.

Binanggit nila ang isang survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre na nagpakitang 50 porsiyento ng 1,200 Pilipino ay nagsabing natatakot silang maglakad sa lansangan sa gabi “dahil hindi ito ligtas.”

 

Follow SMNI NEWS in Twitter